Sa pagtatapos ng Kapuso series na "Kambal, Karibal," makakapagpahinga na ang kaluluwa ni Criselda, matapos mag-agaw buhay gamit ang katawan ni Cheska. Pinili niyang sumama sa kaniyang tatay Noli sa halip na kay Black Lady.
At dahil hindi natupad ni Crisel ang kaniyang usapan kay Black Lady, ang pamilya naman ni Crisanta ang sisingilin ng masamang elemento. Magtagumpay kaya ang pananampalataya ni Crisan laban kay Black Lady?
Panoorin ang pagwawakas na ito ng "Kambal, Karibal."
Samantala sa Star Bites report ni Nelson Canlas sa Balitanghali Weekend nitong Sabado, sinabing matapos ang serye, busy agad ang "Kambal, Karibal" stars na sina Bianca Umali, Miguel Tanfelix, at Kyline Alcantara.
Hindi muna dinitalye nina Bianca at Miguel ang kanilang mga susunod na proyekto, samantalang magkakaroon naman ng concert si Kyline.
Inihayag naman nila ang kanilang pinakamami-miss sa serye.
"'Yung mga taong nakasama namin for the whole run. Masayang masaya po kami nagkaroon kami ng isang buong pamilya," sabi ni Bianca.
"Siguro 'yung mga takeaways ng characters namin na na-a-apply namin sa buhay namin dahil si Diego para sa akin very deep," ayon naman kay Miguel.
"'Yung katawan po talaga ni Cheska, dahil siya po talaga 'yung nagkaroon ng sobrang daming challenges in life. Tatlong souls po 'yung nasa katawan niya," sabi ni Kyline. — Jamil Santos / AT, GMA News
