Kahit tapos na ang "Kambal, Karibal," nananatiling busy sina Bianca Umali at Kyline Alcantara. May bagong project na gagawin si Bianca, samantalang may regalong natanggap si Kyline kay Marian Rivera.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing kahit tapos ang seryeng "Kambal, Karibal," patuloy pa rin ang pagiging social media darling at busy nina Bianca at Kyline.
Nitong Martes, nakipag-bonding si Bianca sa kaniyang fans na kasama niyang nagpa-spa.
"Sobrang grateful ako kasi sa artist center, tinutulungan nila ko magkaroon ng ganito with my fans once in a while," anang young actres.
Magiging busy rin si Bianca sa paghahanda sa bagong big project niya kasama ang ka-love team na si Miguel Tanfelix.
Saad niya, nagwo-workshop na sila para sa naturang proyekto.
"Actually we have two. 'Yung isa is the one we're doing with Bova, Anthony Bova.'Yung isa naman is 'yung workshop namin para doon sa something big," saad ni Bianca.
Samantala, bukod sa upcoming concert, busy si Kyline para tapusin ang recording ng kaniyang album.
Mula sa recording, dumiretso naman siya sa rehearsal para sa "Sunday Pinasaya."
Noong linggo, nakatanggap ng surprise gift si Kyline mula kay Marian Rivera, isang sequined boots para gamitin daw niya sa kaniyang concert na, "Kyline, Take Flight" na gaganapin sa September 8 sa SM Skydome.
"Sabi niya po sa 'kin, last week pa raw po 'to nasa kaniya. Iniisip niya po kung ngayon daw po ba niya ibibigay or kapag malapit na 'yung concert ko. Maybe that's why she's asking kung kailan 'yung concert ko," masaya niyang kuwento.
Hindi mapigilang kiligin ni Kyline sa pagreregalo sa kaniya ng Kapuso Primetime Queen.
"Nu'ng sinabi niya po sa akin na parang bibigyan niya ko, ah, ok po. Salamat po. Pero deep inside parang, 'oh my God! it's Marian Rivera," ani Kyline.
"Thank you ate Yan-yan. I love you so much. Thank you so much," pahabol niya.-- FRJ, GMA News
