Matipuno at astig sa harap ng camera, pero sa totoong buhay, may mga pagkakataon na umiiyak din ang ilan sa ating paboritong Kapuso leading men kahit sa likod ng camera.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ibinahagi nina Dingdong Dantes at Dennis Trillo na bibida sa upcoming Kapuso series na "Cain At Abel" ang dahilan ng kanilang pag-iyak.

Si Dingdong, ibinahagi na hindi niya napigilan na maiyak nang dumating sa buhay nila ni Marian Rivera ang anak nilang si Zia.

"Siguro dahil hindi naman talaga ko totally na... na-process 'yung aking feeling nu'ng time na 'yon, while giving that reflection, naalala ko 'yung how special 'yung feeling ko was. So kaya naano ko, naging emotional ako," saad ng aktor.

Pagbahagi naman ni Dennis, "Nagkaroon lang ako ng reflection sa sarili ko kung ano, mga nangyari sa buhay ko na, na hanggang ngayon nandito pa rin ako. Parang ano lang, tears of joy."

Sina JC Tiuseco, Marco Alcaraz at Mark Herras, aminadong mababaw ang kanilang luha.

Sina JC at Marco, may kaugnayan sa anak ang kanilang pagiging emosyonal.

"Kapag nagkakasakit 'yung mga baby ko," sabi ni JC.

"Nu'ng nalaman ko na magiging pangalawa na 'yung... dalawa na 'yung baby ko," ayon naman kay Marco.

Ikinuwento naman ni Mark ang naranasan niyang umiyak nang matindi nang napanaginipan niya ang isang mahal sa buhay.

"'Yung panaginip ko kasi is about my tito, na parang re-enactment nu'ng kung paano siya inatake sa puso. So, I don't know, parang paggising ko, sobra lang akong iyak nang iyak. I can't stop crying talaga na parang iyak-bata," ayon kay Mark.

Si Matt Evans, inamin na recently lang ay naiyak siya.

"Last week," natatawa niyang pag-amin. "Hindi naman perpekto buhay minsan eh. Ano... tina-testing ka ng panahon, so minsan, bumibigay ka rin."-- FRJ, GMA News