Hindi naitago ni "Inday Will Always Love You" star Barbie Forteza ang saya nang mapabilang siya bilang tagasuporta ng Smile Train, ang organisasyon na nagbibigay ng libreng operasyon para sa mga batang may cleft palate o bingot.
Sa Star Bite report ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, inihayag ni Barbie na naniniwala siya sa adbokasiya ng organisasyon lalo pa't marami silang natutulungan.
Alam na raw ngayon ng aktres kung saan dadalhin ang mga mayroong ganitong problema.
Kahit busy sa kaniyang trabaho, naglaan pa rin ng panahon si Barbie para bisitahin ang ilang recipient ng Smile Train at nagbigay pa siya ng laruan sa mga bata.
Samantala, mas iinit pa raw ang mga eksena sa "IWALY" at may mga bagong karakter na papasok na gagampanan nina Thea Tolentino at Chesca Salcedo, o napanood bilang si "Nori" sa seryeng "Kambal, Karibal."
Dapat daw abangan kung ano ang magiging papel nila Thea at Chesca sa serye.--FRJ, GMA News
