Ikinuwento ng batikang kontrabida na si Gladys Reyes na mag-alala siya kay Ayra Mariano na umiyak nang husto matapos ang matindi nilang sampalan sa isang eksena sa "Inday Will Always Love You."

"Actually, matagal naka-recover si Ayra after ng scene na 'yon. Sa katotohanan, sa script, hindi talaga ganun yung execution pero siyempre, dahil bugso na rin ng damdamin at kasama rin naman... with the director also," saad ni Gladys sa kukunang eksena.

"Pero parang [naisip] namin, kailangan yata mas matindi kasi ba't sinisigaw-sigawan ako eh ako yung mastermind para maging CEO siya," patuloy niya sa pocket press conference ng "Inday Will Always Love You" nitong Huwebes sa GMA Network.

Ang tinutukoy ni Gladys ang episode noong Agosto 3 kung saan nagamit na ng kaniyang karakter na si Amanda Fuentes si Sunshine (Ayra), at nakuha na rin niya ang lahat ng ari-arian ni Philip (Ricky Davao).

"Pero hindi ko ine-expect yung reaction niya after. Kasi yung bata, talagang iyak siya nang iyak dahil magkasamang sampal, pati mga linya on the spot na eh, na may mga nadagdag. Tapos nung last linya, sabi ko sa kaniya 'Subukan mong gawin ulit sa akin 'yan, hindi lang ito matitikman mo.' Yung huling sampal ko sa kaniya, 'Amateur! You forgot I'm a pro,' sabi ko sa kaniya nang ganiyan. Sabay exit," patuloy na kuwento ni Gladys.

Matapos nito, hindi na rin daw napigilan ni Ayra ang sarili.

"Tapos yung gigil niya talagang 'Grrraaaah!' 'Cut!' Napaupo siya tapos iyak siya nang iyak. Ako yung na-shock. So 'Ayra? Tapos na, okay ka lang ba?' So antagal, matagal talaga. Binigyan na siya ng tubig. Tapos 'Huh! Huh! Huh! (iyak na naghahabol ng hininga) Ganun na iyak niya eh talagang sumisinok na," ayon pa sa aktres.

Humingi naman daw kaagad ng paumanhin si Gladys kay Ayra.

"So siyempre medyo na-guilty ako 'Sorry! Sorry!' Sorry nang sorry, hindi ko alam kung may pinagdadaanan ba siya o dahil ba sa sakit ng sampal ko sa kaniya," ayon sa aktres.

Sinabi umano ni Ayra sa kaniya na first time na nangyari sa kaniya ang naturang matinding eksena kaya overwhelmed ang batang aktres.

"Tapos nu'ng naka-ano na siya, after ng ilang minutes sabi niya, 'Huh! Grabe ate Gladys, antagal kong naka-recover dun ah.' Sabi niyang ganon, na first time ngang nangyari sa kaniya," kuwento ni Gladys.

"Hindi ko naman po sinasadya na maging ganun yung epekto sa kaniya," pahabol niya.

Remarkable ang  pagiging kontrabida

Inihayag ni Gladys na hindi ito ang unang beses na may "umayaw" na ring makasampalan siya sa iba pang eksena.

"Dapat sasampalin ko po siya. Sabi niya dun sa akin, 'Huwag malakas ah! Sasampalin din kita!' sabi niya sa akin.

Para kay Gladys, hindi niya talaga kayang hindi totohanin ang mga sampalan dahil hindi magiging natural ang eksena.

"So sabi ko talaga kay direk, 'Huwag na kaya direk.' Kasi hindi ko kasi kayang dayain. Sa akin kasi, ayoko talaga... Kasi nakita talaga nila totoo eh. Tumatawid sa mga tao, alam nila kung totoo. Taping na nga, ipapahalata pa ba nating taping ito? Kasi mas totoo yung reaksyon pati yung mga eksena," aniya.

"So nung sinabi niya yon, hindi na rin ako kumportableng gawin sa kaniya yon," patuloy niya.

Paliwanag ng aktres: Ganun ako eh, kapag nakita kong 'Ah, hindi game' eh huwag nating gawin yon kasi wala akong maipapangako sayo na aalalayan ko to tapos ako mukhang tanga? Hindi na, huwag na." -- FRJ, GMA News