Inihayag ni Kapuso comedian Super Tekla na straight guy siya, ngunit bago nito, dumaan muna siya sa pagkalito at sinubok ang kaniyang sexual identity para makumpirmang "lalaki" siya.

"Hindi, kasi lalaki talaga ako eh. Oo, totoo. 100% guy ako," sabi ni Tekla sa press conference ng "Inday Will Always Love You" nitong Huwebes sa GMA Network.

"Nabuhay kasi ako sa comedy bar kaya na-adapt ko 'yong mannerism ng how to be gay. Honestly, kasi kapag once gay ka, gagapang at gagapang ang kamay mo. Ako, hindi, never."

Nakumpirma ni Tekla na wala siyang "spark" pagdating sa mga lalaki.

"Sinubukan ko na 'yong sarili ko kung bakla ba talaga ako. Wala, wala siyang ano, walang spark [pagdating sa mga lalaki]. Gano'n. Totoo, promise!"

Wala rin daw siyang nakarelasyong mga lalaki. "Wala, wala."

"Nagkaroon ng ano, pero tinry ko 'yong sarili ko kung saan ba talaga 'yong sexual preference ko. Nakita ko 'yong difference. Kasi dati nando'n pa ako sa stage na nalilito ako kung sino o ano ba talaga o ano ang gusto ko."

Nalito noon si Tekla at ikinuwentong may naka-MU pa na lalaki, ngunit hindi ito nag-work.

"Tiningnan ko kung ano.. Nagkaroon nga ako ng isang, 'yong kasamahan ko sa work, parang MU-MU style. Sabi ko, 'Saan ba talaga 'yong ano ko?' And then hindi nag-work," sabi ni Tekla sa panayam ng GMA News Online.

"Tinry ko sa girl. E 'di don sa girl. Tuloy-tuloy, may mga niligawan ako. Actually nagka-asawa ako, nagka girlfriends ako. Kaya sabi ko, 'Okay, ito siguro ang [kasarian] ko.'"

Aniya, wala namang naka-impluwensiya sa kaniya kung bakit parang babae siya kung kumilos noon.

"Wala naman. Kasi broken family kami e. So lumaki akong independent sa ibang tao. Mahirap 'yong ma-influence. Siguro gano'n talaga."

May pinagdadaanan si Tekla ngayon matapos makipaghiwalay sa 24-anyos niyang girlfriend.

"'Yong ex-[girlfriend] ko okay naman kasi kailangan 'yon sa anak namin. Still, nagcha-chat kami for the good ng baby namin."

Pinipilit naman ni Tekla na makabisita sa Bacolod kung saan nandoon ang kaniyang mag-ina. "'Pag may time, 'pag walang work. Basta't kailangan at walang schedule, lipad." — AT, GMA News