Patay sa pamamaril ng riding in tandem ang isang barangay secretary habang papasok sa kaniyang trabaho sa Barangay ng San Vicente sa Angono, Rizal.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Freddie Cañeva, 47-anyos, na pinagbabaril noong Biyernes habang papasok sa trabaho.

Isinailalim sa operasyon ang biktima pero binawian din ng buhay sa ospital nitong Linggo.

Ayon sa Angona police, base sa nakalap na footage sa CCTV camera, inabangan ng dalawang suspek ang biktima habang papasok sa trabaho sa barangay.

Sinabi ni Police Lt. Col. Ariel Azurin, hepe ng Angono Rizal Police, dalawang bala ang tumama sa biktima na binaril mula sa likuran.

Batay sa kuwento ng ilang saksi, naglalakad ang biktima patungo sa isang eskinita na daan papunta sa barangay hall at doon na siya pinagbabaril.

Blangko ang pamilya sa posibleng motibo sa pamamaril sa biktima.dahil wala umano silang alam na kaaway nito.

Sa follow-up operation, natunton ang mga awtoridad ang mga suspek na sakay pa ng motorsiklo sa Barangay San Andres sa Cainta Rizal. Gayunman, nakatakas ang mga ito nang iwanan ang motorsiklo at dumaan sa mga bubungan.

“Yung lugar ay kabisado niya, napakasikip ng lugar. Nakatakas ito at nagtatakbo sa mga bubong ng bahay,” ani Azurin.

Nakuha ng mga awtoridad ang iniwang motorsiklo ng mga suspek, habang patuloy ang pagtugis sa kanila. – FRJ GMA News