Sugatan isang lalaki dahil sa pananaksak umano ng kaniyang katrabaho sa Barangay Greater Lagro, Quezon City. Ang suspek, umaming may sama ng loob sa biktima dahil sa madalas umano nitong pambu-bully sa kaniya.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naganap ang insidente sa pinagtatrabahuhang construction site ng dalawa sa Quirino Highway nitong Huwebes ng tanghali.
Lumabas sa imbestigasyon na tanghali nang magsuntukan ang dalawa kaya nagkagulo ang kanilang pinagtatrabahuhan at nauwi pa ito sa pananaksak.
“May previous silang alitan na pinaghihinalaan ng biktima ‘yung suspek na nagsusumbong sa kanilang foreman,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Timothy Aniway, Station Commander ng Pasong Putik Police Station 16.
Agad namang tumugon ang pulisya matapos may tumawag sa kanilang estasyon.
“Dinala ‘yung biktima doon sa Lorenzo Hospital habang 'yung suspek ho natin ay na-corner at agad din na nagresponde 'yung kapulisan natin at naaresto 'yung suspek,” sabi ni Aniway.
Nagkasugat sa parehong pisngi at likod ang biktima, na hinihinalang sinaksak ng matalas na bakal.
Gayunman, hindi na narekober ang ginamit ng suspek sa pananaksak.
Umamin ang suspek na husto na siyang nagalit sa biktima dahil sa madalas na pambu-bully pero itinangging sinaksak niya ang biktima.
“Ginrip niya po ako sa ulo. Pinagsusuntok niya po ako. ‘Di ang ginawa ko naman po nagpupumiglas ako na makawala sa kaniya hanggang tinulak ko siya nang tinulak, natumba po siya,” sabi ng suspek.
“Lagi niya po akong pinag-iinitan sa trabaho. Lagi niya po akong binu-bully, pino-provoke. Lagi niya po akong hinahamon na suntukan daw kami sa labas,” dagdag niya.
Nakabilanggo na ang suspek na mahaharap sa reklamong frustrated homicide.
Sinusubukan pa ng GMA News na hingian ng pahayag ang biktima na patuloy na nagpapagaling. —Jamil Santos/VBL GMA News
