Mula sa paglabas sa ilang TV shows hanggang sa mapanood sa hit Kapuso series na "Kambal, Karibal," tuloy-tuloy ang career ni Pauline Mendoza na katuparan ng pangarap niyang maging artista. Ngunit sa likod nito, dumaan din siya sa pagsubok nang magkaroon ng breast cancer ang ina.

Sa programang "Tunay Na Buhay" ni Rhea Santos, sinabing ipinanganak si Pauline o Pauline Bianca Esquieres sa totoong buhay noong Oktubre 5, 1999.

Mayroon dapat siyang kambal na kapatid pero namatay ang mga ito dahil sa pagiging pre-mature. Sa kabila nito, naging masaya naman ang kabataan ni Pauline bilang only child dahil sa pagmamahal ng kaniyang mga magulang.

Dalawang-taon-gulang lang si Pauline nang maging commercial model siya.
"Pangarap ko po talagang maging artista noong bata kasi two years old pa lang po ako nag-start na ako tuwing commercials, hanggang malaki," anang aktres.

Matapos nito, pinasok na rin si Pauline ang ramp modeling, hanggang sa mapansin siya ng isang GMA executive. Dito hinikayat si Pauline na mag-audition sa GMA Artist Center.

"Pinag-isipan ko talaga siya nang mabuti kasi nu'ng mga times na 'yun, sobrang mas focused po ako sa school. Pero dumating na lang sa akin na bakit nga hindi ko i-try?," saad niya.

Napanood si Pauline sa "Alyas Robinhood" at sa "Kambal, Karibal."

Ngunit kamakailan, dumaan din sa pagsubok ang pamilya ni Pauline nang ma-diagnose ng stage 3 breast cancer ang kaniyang ina.

Ayon sa kaniya, hindi rin sinabi sa kaniya ng ina na sumasailalim ito sa operasyon.

"Last year na-diagnose siya with breast cancer. Napansin ko po kasi na parang lagi siyang pumupunta ng hospital, parang lagi niya lang kasama ang friends, papa-checkup daw ang friend niya, 'yun pala siya na ang chini-checkup. Tapos nu'ng nalaman namin na may bukol siya, nagpatanggal siyang mag-isa. Pag-uwi na lang niya, naoperahan na siya," kuwento ni Pauline.

Natapos na sa chemotherapy ang kaniyang ina at ngayon ay gumagamit ng mga herbal medicine.

"Kaya namin 'yun, malalampasan namin and naniniwala ako na gagaling siya," paghahayag ni Pauline.

Panoorin ang naturang bahagi ng panayam ng "Tunay Na Buhay" kay Pauline.

--FRJ, GMA News