Marami ang kinilig sa kakaibang wedding proposal ni Jeron Manzanero kay Sheena Halili na ginanap sa loob ng isang sinehan. Kabilang sa nagkaroon ng "special participation" sa naturang pakulo si Maine Mendoza at ilan pang Kapuso stars.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing sa halip kasi na pelikula ang inaasahan ni Sheena na ipalalabas sa sinehan, isang kakaibang eksena ang kaniyang nasaksihan.

Makikita sa video na ipinalabas sa sinehan sina Maine Mendoza, Valeen Montenegro, Chariz Solomon at Glaiza de Castro, na kunwaring galit kay Jeron dahil sa pagiging babaero.

Kunwaring naging miserable si Jeron at naging balbas-sarado pero nag-ayos sa sarili at umuwi sa Pilipinas nang may magreto sa kaniya kay Sheena.

Ipinakita rin sa video na tumatakbo papunta sa sinehan ang binata hanggang sa bumungad sa big screen ang mga salitang "sheena will you marry me?"

Dito na napahagulgol si Sheena at dumating na si Jeron na emosyonal din na inalok ng kasal ang aktres.

Itinuturing ni Sheena na katuparan ng kaniyang dasal si Jeron, na mahigit isang taon din niyang karelasyon.

Nagpaabot din ng kanilang well wishes sina Katrina Halili at si Juancho Trivino, na speechless dahil first time daw niyang makasaksi ng isang proposal.

Sa after party, sweet na sweet ang newly engaged couple at ipinasilip ni Juancho sa kaniyang Instagram post ang engagement ring ni Sheena.

Sa Twitter post ni Maine, makikita na kasama siya sa naturang selebrasyon kasama sina Sheena at Juancho.

 

 

Naging malapit sa isa't isa sina Maine at Sheena nang magkasama sila sa teleseryeng "Destined To Be Yours" kasama sina Juancho at si Alden Richards.

WATCH: Sheena Halili gets birthday surprise from 'phenomenal' co-star

Sa isang IG post noon ni Sheena, pinasalamatan niya si Maine sa kaniyang love life sa pagdating ni Jeron sa kaniyang buhay.

ALAMIN:  Bakit pinasalamatan ni Sheena si Maine sa pagkakaroon niya ng bagong love life?

--FRJ, GMA News