Ikinuwento ni BJ Forbes, na kilala rin bilang si “Tolits,” ang isa sa pinakamalaking pagsubok sa kaniyang buhay nang mawala ang pinaghirapan niyang pera at pinalayas pa umano sila sa sarili nilang bahay.

Sa kaniyang guesting sa “I-Listen” ni Kara David, ibinahagi ni BJ na mula sa pagiging isang child star na maraming proyekto sa showbiz, dumating siya “awkward stage” o pagbibinata at dumalang ang mga offer.

“So, du’n dahil nga nawala sa bahay, sustain na lang 'yung projects na dumadating para sa pangailangan, du’n na ako parang nagsimula na ma-depress nu’ng walang income. Na parang, ang tingin ko sa sarili ko, I'm just something na ‘pag walang kuwenta, wala nang silbi, I can go. Parang gano'n,” sabi ni BJ.

Dahil dito, sinabi ni BJ na hindi niya rin naiwasang makaisip ng negatibo tungkol sa buhay.

“Siguro, nagkaroon din ng parang phase of life na parang kahit ano 'yung natulong ko, dumating pa rin sa punto na parang nu'ng nawala 'yung kaya kong i-provide, parang kasalanan ko pa rin na nawala 'yung gano'ng klaseng district of income. Dumating sa gano'n.”

Sa kabila ng hamon, sumubok si BJ sa teatro.

“Dahil una-una, nai-express ko, 'yung nagawa ko siyang outlet na nakaka-arte pa rin ako, nailalabas ko ang emotions ko. At the same time, kumikita. So, ‘'yun. Tapos, ganu’ng time, nagta-try na din ng iba't-ibang side hustles,” kuwento niya.

Nawalan ng pera bahay

Ikinuwento rin ni BJ nang mawala ang kaniyang pinaghirapang pera na ipinambili ng kaniyang ina ng bahay.

“Ang kuwento sa akin, bumili si mama ng bahay using my money. Binili niya sa ninang ko. I'm not sure kung magkano talaga ang naibigay, but the worth nu'ng bahay, parang nasa P2.5, ganiyan, to P3M,” pagbahagi niya.

Nang pumanaw ang kaniyang ninang, dito nagsimula na unti-unting nawala sa kanila ang bahay.

“So, natirahan naman namin 'yung bahay for a long time. Pero nu'ng namatay 'yung ninong ko, biglang nagpupunta sa amin sa bahay yung mga anak nila, and ganiyan, na binabawi 'yung bahay. Parang sinasabi na may irregularities, ganiyan,” patuloy niya.

Kalaunan, hindi nailaban nina BJ ang bahay sa legal na paraan.

“Ang sabi ni mama, naloko siya, nawala 'yung tamang titulo, ganiyan. But then, growing up, yun 'yung pinaniwalaan ko eh nu'ng panahon na ‘'yun. Pero growing up, siyempre, nagtatanong din ako sa sarili ko na bakit namin hindi nailaban sa legal, kung totoong fully paid, kung ganiyan. Baka meron din stories behind that,” ayon sa aktor.

Naramdaman ni BJ ang bigat ng problema, nang tila siya pa ang dapat na humanap ng paraan para malutas ito.

“So, nu'ng panahon na 'yun, at wala akong matakbuhan… na bakit ako pa rin ang kailangang humanap ng solusyon? Kasi 'yung mga kapatid ko, wala rin naman silang kakayahan. And I understand that,” sabi niya.

Nang tanungin kung pinalayas sila sa sarili nilang tahanan, pagkumpirma ni BJ, “Yes.”

Hindi rin niya naiwasang sumama ang loob sa kaniyang ama.

“Yung tatay ko, bakit wala? Bakit walang sumasaklolo? Bakit hindi man lang inalalayan si mama? So, nu'ng punto na 'yun, nagalit ako sa kaniya, tina-try ko ring intindihin kung saan siya nagmumula,” ayon kay BJ.

Sa paghahanap ng atensyon, nagkaroon si BJ ng relasyon noong edad 13 pa lamang.

“So, but by that time, 13 years old ako, meron na akong girlfriend nu’n. So, sila 'yung nakakasagip sa amin dahil may extra silang bahay. So, kung wala silang extrang bahay, baka, hindi ko alam kung anong nangyari sa amin after that,” pagbahagi pa niya.

Bukod dito, hindi rin naibalik ang kaniyang pera. Kaya nawalan din siya ng kumpiyansa sa sarili.

“Siyempre, una, nawalan ako ng confidence unang-una. Siyempre, para lunukin mo 'yung ego mo na makitira ka sa jowa pa lang. Tapos, alam mo naman na ilang taon pa lang kayo,” sabi ni BJ.

Habang nakikitira sa kaniyang nobya, doon pa nanakawan ng mga gamit sina BJ.

“Pagdating namin du’n, siyempre, hindi naman magandang magandang bahay 'yun. Hindi naman siya sa maayos na subdivision. So, nagulat 'yung mga tao na bakit ako lumipat du’n tapos hindi magkasya 'yung gamit namin. Kaya du’n nagsimula na mga awards ko kung saan saan nakasalampak lang. So, may mga nasirang gamit, may maraming nanakaw na gamit,” kuwento niya.

“Pero, sa sarili ko nu'ng panahon na 'yun, tinanggap ko na lang na hindi na ako artista level. So, naghanap lang ako ng ibang mga means of income,” sabi pa niya.

Tunghayan sa “i-Listen” ni Kara David kung paano lumaban si BJ mula sa mabigat na pinagdaraanan sa buhay, at kung paano niya napatawad ang kanilang ama na nang-iwan sa kanila. Panoorin. – FRJ GMA News