Sugatan ang isang lalaki matapos palakulin ng kaniyang pinsan sa Urbiztondo, Pangasinan. Ang biktima, pumunta sa bahay ng suspek para komprontahin ang misis ng huli dahil sa kumakalat na balitang may relasyon sila, na siya ring paniwala ng suspek.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa labas ng bahay ng suspek sa Barangay Sawat nitong madaling araw ng Miyerkoles.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na pumunta ang biktima na nakainom sa bahay ng suspek upang komprontahin ang misis ng huli dahil sa kamakalat umanong balita na may relasyon sila.

Ngunit ng sandaling iyon, nakainom din ang suspek at nagtatalo na pala ang mag-asawa.

Hanggang sa magkasagutan na rin ang suspek at ang biktima, na humantong sa pag-atake ng suspek sa kaniyang pinsan gamit ang palakol.

Gayunman, nagawa ng biktima na makatakbo pero nadapa ito kaya inabutan ng suspek at hinataw siya ng palakol sa likod at binti.

Tumakas ang suspek habang isinugod naman sa ospital ang biktima.

Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang suspek.

“Ang alam ng suspek is para may relasyon itong asawa niya sa victim. Pero itong si victim, kinompronta niya [yung misis], pumunta siya doon. Although nakainom silang pareho,” ayon kay Police Major Fernand Rivera, Acting Chief of Police ng Urbiztondo, MPS. – FRJ GMA News