Pinayagan ni Pangulong Vladimir Putin ng Russia na palayain na ang 24 na Pilipino na siyam na buwan nang nakakulong sa lungsod ng Irkutsk sa Siberia, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes.
Inanunsyo ito ni Marcos sa isang punong balitaan sa Kapihan kasama ang Philippine media sa Kazan, Russia pagkatapos ng ASEAN-Russia Commemorative Summit.
Naiulat na ikinulong ang mga Pilipino dahil sa mga isyu ng imigrasyon matapos silang mabiktima ng mga illegal recruiter.
Sinabi ni Marcos na ibinahagi niya ang isyu kay Putin sa kanilang bilateral meeting. Kaagad umanong kumilos ang lider ng Russia sa isyu at sinabi sa kaniya na palalayain ang 24 na Pilipino at ipapa-deport sa Biyernes.
“Noong dinner kagabi, kinausap niya ako. Sabi niya, ‘Nakita na namin ang sitwaşyon. We found out where the 24 Filipinos are, we found out what the problem is with their case, with their situation.’ First of all, he said they have not been charged with any wrongdoing but they are still being kept in detention for nine months,” sabi ni Marcos.
“I remember the last thing he said last night after we were talking about it. ‘Don’t worry, we will find a way. We will find a way to fix this problem.’ And now the 24 Filipinos will be released. They are ready for deportation tomorrow by 5 p.m. So the 24 will be going back to the Philippines, back to their families,” dagdag pa niya.
President Bongbong Marcos brought to the attention of Russian President Vladimir Putin the case of 24 Filipinos detained in Irkutsk, Russia. The Pinoys have not been charged but have been in detention for 9 months. | via @tinapperez pic.twitter.com/fVeUS9478d
— GMA News (@gmanews) June 18, 2026
Sinabi ni Marcos na hindi alam ng Pilipinas ang kalagayan ng mga nakakulong na mga Pilipino, maliban sa hindi pa sila kinakasuhan.
“Noong nag-bilateral meeting kami ni President Putin, binanggit ko ito. At nagulat din siya. Ang sabi niya, ‘Hindi ko alam ‘yan. Pag-aaralan namin, titingnan namin ang nangyari,’” anang Pangulo.
“As a request, especially speaking for the families, kung puwede naman, we can find a way that we get some information about them. Pangalawa, na makahanap naman tayo ng resolution. Siyempre, respetado natin ang batas ng Russia, respetado natin ang kanilang pamahalaan. Ngunit kung may paraan, sana magawan natin,” sabi ni Marcos.
Nang tanungin kung biktima ng human trafficking ang mga dinakip na Pilipino, sumagot si Marcos, "Yes, something like that."
"Ang naging problema nila was immigration. So sabi ni President Putin sa akin, sabi niya eh hindi naman sila ang hinahabol namin. Hinahabol namin yung mga illegal recruiter. 'Yun 'yung kinakasuhan namin, at saka 'yun talaga, mabigat ang kanilang kaso sa amin," sabi ni Marcos. -- Jamil Santos/FRJ GMA News

