Matutupad na ang pangarap ng isang 60-anyos na magsasaka na magkaroon ng sariling lupa na sasakahin matapos manalo ng P25 milyong jackpot sa Super Lotto 6/49 draw noong May 10, 2026.
Sa isang pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sinabing nakubra na ng lucky winner ang naturang premyo sa tanggapan nito sa Mandaluyong City.
Batay umano sa impormasyon mula sa magsasaka, 30 taon nang tumataya ang lucky winner nang tamaan niya ang lumabas na kombinasyon ng mga numero na 03-16-11-04-14-38.
Inihayag din ng magsasaka na petsa ng kaarawan ng kaniyang mga kapamilya ang madalas niyang tinatayaan na mga numero.
Nang tanggapin ang premyo, nasambit umano ng magsasaka na, “Mayroon pala talagang nananalo sa Lotto.”
Plano umano nito na hatiin ang premyo sa kaniyang mga anak, at bumili ng sariling lupa na kanilang pagtataniman. – FRJ GMA News

