Isang ambulansya ang nahulog sa dagat bago pa man maisakay sa isang barge sa Hula-Hula Port sa bayan ng Mabuhay, Zamboanga Sibugay.
Sa ulat ni Sarah Hilomen Velasco sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing hinila ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Bureau of Fire Protection (BFP) ang sasakyan gamit ang mga lubid upang maialis sa tubig.
Ayon sa mga awtoridad, ligtas na nakababa ang driver ng ambulansya bago pa man mahulog sa tubig. Wala rin itong sakay na pasyente nang mangyari ang insidente.
Sinabi ni BFP-9 Municipal Fire Marshal, SFO3 Michael Coquilla, na isasakay sana sa barge ang ambulansya na pagmamay-ari ng Olutanga Municipal Hospital. Pero hindi umano maayos na na-engage ng driver ang preno habang ipinaparada ang sasakyan kaya umusad ito at mahulog sa dagat.
Papunta sana ang ambulansya sa bayan ng Ipil upang kumuha ng oxygen tank nang mangyari ang insidente.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang driver ng ambulansya at pamunuan ng Olutangga Municipal Hospital, ayon sa ulat. –FRJ GMA News
