Nag-viral ang isang post tungkol sa reklamo ng customer laban sa isang restaurant sa Baguio City. Ang sinigang na hipon umano na inorder niya, may kasamang patay na daga.
Sa ulat ng GTV News State of the Nation nitong Huwebes, sinabing nakahigop na umano ng sabaw ang customer nang mapansin niya ang kakaibang sahog sa sinigang na isang daga.
Kasama ring pinuna ng customer ang umano’y kakulangan ng aksyon ng staff ng kainan kaugnay sa nangyari.
Nag-comment naman sa post ang pamunuan ng restaurant at humingi ng paumanhin. Inihayag din nito na sasagutin ang gastos ng customer kung sakaling magpa-check up ito.
Ayon kay Baguio City Benjamin Magalong, pansamantalang isinara ang restaurant kasunod ng pangyayari.
Kailangan umanong makakuha muna ng sertipikasyon ang restaurant na dapat malinis na ito bago payagan na magbukas muli. – FRJ GMA News

