Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na handa siyang talakayin sa pamahalaan ng Russia ang posibilidad na pahintulutan ang mga Pilipino na makapaglakbay sa nasabing bansa kahit hindi na kailanganing kumuha ng visa.
Sa isang press conference sa Kazan, Russia, sinabi ni Marcos na wala siyang nakikitang anumang seryosong pagtutol upang pag-usapan ng Pilipinas at Russia ang pagbuo ng naturang kasunduan tungkol sa visa.
“We did it with India, we've done it with China. If it's something that we feel will be of advantage to both Russia and the Philippines, I don't see why not,” ayon kay Marcos.
“That's become the method, the order of the day now. And we very much would like to increase our tourists trade. So, that's something that down the road maybe we can look at,” dagdag ng pangulo.
Gayunman, inamin ni Marcos na hindi niya naiparating ang naturang posibilidad sa kaniyang maikling pananatili sa Kazan para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Russia Commemorative Summit.
Sa sidelines ng summit, nagkaroon ng pagkakataon si Marcos na makipagpulong kay Pangulong Vladimir Putin ng Russia, kung saan muli niyang pinagtibay ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na political dialogue at nagpahayag ng pag-asa na mapalawak pa ang mga larangan ng kooperasyon, lalo na sa usapin ng enerhiya at seguridad sa pagkain.— FRJ GMA News