Tiniyak ni Pambansang Bae at "Victor Magtanggol" star na si Alden Richards na tutuparin niya ang pangako kay Niño, ang batang walang mga kamay sa Negros Occidental, na pag-aaralin niya ito hanggang kolehiyo.
Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," nagkita sina Niño at ang iniidolo niyang si Victor Magtanggol, at hinandugan ang bata ng upuan para sa kaniyang pag-aaral at replika pa ng martilyo ni Thor na Mjolnir.
Kasabay nito, inanunsyo rin ni Alden sa programa na sasagutin niya ang pag-aaral ni Niño.
Nagbahagi si Alden ng pag-uusap nila sa set ng Victor Magtanggol kung paano matutulungan ang bata.
"On the day lang din po mismo. Tinanong ko po muna 'yung team na 'Ano ba ang puwede nating ipabaon kay Niño?' Sinabi nga po nila 'yung hammer, 'yung upuan. Bata pa po si Niño and bakit hindi natin siya bigyan ng pangmahabang regalo, 'yung makakatulong sa kaniya, sa family niya? So naisip ko po 'yung education talaga," sabi ni Alden nang makapanayam ng showbiz reporters sa media conference ng kaniyang Adrenaline Rush concert nitong Huwebes sa Quezon City.
"Advocacy ko rin po kasi 'yan especially sa mga bata na nade-deprive ng right to education dahil sa kahirapan. 'Yun po 'yung talagang sinusuportahan kong advocacy. Personal choice ko po talagang pag-aralin si Niño hanggang college," dagdag ng aktor.
Siniguro na ni Alden ang komunikasyon sa pamilya ni Niño.
"Sinecure (secure) ko na po 'yung contacts with them para hindi lang tayo, baka po kasi sabihin na sinabi lang 'yan sa TV, madaling sabihin sa TV, pero 'pag in the long-run na... So 'yun po sinecure (secure) kong mabuti 'yon kasi para at least kahit ganu'n si Niño, kahit meron siyang disability, 'pag naka-graduate siya, na para du'n sa mga tine-take 'yung pag-aaral for granted, para sa batang kagaya ni Niño, isang malaking blessing na makapag-aral siya. So magiging inspirasyon ulit siya para sa mga bata."
Ayon kay Alden, naging inspirasyon niya si Niño dahil ipinakita ng bata na hindi dahilan ang kapansanan para malugmok sa problema.
"Ako minsan, siyempre hindi natin maiiwasan na tao lang tayo, nagkakaproblema and minsan 'yung mga problema natin tayo lang ang gumagawa. Parang, isipin mo na lang 'yung mga ganu'ng klaseng tao si Niño especially, ipinanganak na walang braso, ipinanganak na may kakulangan pero hindi niya hinayaan 'yun eh. Sino ka ba naman para problemahin mo pa 'yung mga maliliit na bagay? So parang hindi worth it na mamroblema kasi mas marami pang nangangailangan ng atensyon."
Pinagtutuunan ngayon ni Alden ang mga batang napapasaya ni Victor Magtanggol.
"'Yung mga bata, 'yung mga ganiyang feedback, 'yung set, 'yung mga nakakatrabaho ko po. Isa po 'yun sa mga importanteng bagay na isinasaalang-alang ko para makapagtrabaho po nang maayos kahit mahirap siya."--LBG/FRJ, GMA News
