May paliwanag si Pambansang Bae at "Victor Magtanggol" Alden Richards kung bakit hindi siya gaanong napapanood sa longest-running noontime show na "Eat Bulaga."
Bukod sa taping niya para sa Kapuso primetime series na "Victor Magtanggol," busy rin sa paghahanda si Alden para sa nalalapit niyang concert na "Adrenaline Rush" na gaganapin sa Kia Theater sa Setyembre 21.
"Parang lately po kasi, kahit ako po mismo, hindi na nakakapag-'Eat Bulaga.' 'Yung personal time ko rin talaga is very limited, actually, limited to none. So, medyo mahirap po magkaroon ng personal time lately. All work po ngayon," saad ni Alden sa panayam ng showbiz reporters sa press conference ng kaniyang concert sa Quezon City nitong Huwebes.
Pero kahit hirap sa schedule dahil sa mga trabaho, sinisikap daw ni Alden na mabalanse ang lahat. Bukod doon, natututo raw siya na sulitin at masiyahan sa mga maliliit na bagay tulad ng pagtulog.
"Natututunan ko na to take pleasures on simple things. Makatulog lang ako ng eight hours, masaya na ako the next day, mga ganu'ng bagay," saad niya.
Gayunman, aminado pa rin siya na kailangan din niya na makapagpahinga.
"It's a humbling experience din to do the works ngayon. Siyempre of course, kailangan ko rin po magpahinga," dagdag pa ni Alden.
Sa paghahanda ni Alden sa kaniyang Adrenaline Rush concert, sinabi niyang may gagawin siyang mga stunts na inilarawan niyang buwis-buhay.
Isasabay din sa kaniyang concert ang pag-release ng kaniyang album na may limang kanta.-- FRJ, GMA News
Alden, ipinaliwanag kung bakit 'di siya gaanong napapanood sa 'Eat Bulaga'
Agosto 31, 2018 8:31pm GMT+08:00
