Dahil sa pagiging abala niya sa "Victor Magtanggol" at ngayo'y naghahanda pa sa kanyang "Adrenaline Rush" concert, sinabi ni Pambansang Bae Alden Richards na posibleng sa susunod na taon na siya makagawa uli ng pelikula.
"Sa ngayon po wala pa po kasi my hands are quite full po because of the concert and other commitments. Pero next year po... Kausap ko na po 'yung management, may mga concept na po, concept pa lang, hindi pa final.
"Hopefully po next year makagawa ako ulit," pahayag ni Alden sa press conference ng kanyang concert noong Huwebes sa Quezon City.
Inihayag ni Alden na isa sa opsiyon ang shelved movie nila ni phenomenal star Maine Mendoza, at mga kinahihiligan niyang "dark projects."
"Isa po 'yun, isang option po 'yun na sana matuloy din po next year and meron din pong other concepts na medyo out of the box po, medyo dark. Dark projects po."
Nagkasama na sina Alden at Maine sa ilang pelikula tulad ng My Bebe Love: KiligPaMore (2015), Imagine You and Me (2016) at Enteng Kabisote 10 and the Abangers (2016).
Gustong-gusto raw ni Alden ang gumagawa ng mga hindi pangkaraniwang konsepto ng pelikula.
"Andu'n po 'yung ano ko eh... Like nu'ng ginawa ko 'yung The Road, hindi ko po makakalimutan 'yun hanggang ngayon. Sobrang enjoy po ako doing genres like that kasi unexplored po siya eh. Kumbaga lagi po ako du'n sa mabait na side. Du'n naman tayo sa medyo edgy, medyo dark."
Hilig ito ni Alden dahil pangarap niya rin ang manalo sa mga international festivals.
"Dream ko rin po na manalo ng awards sa international festivals and like 'yung nagawa ko pong short film, 10 minutes lang siya pero nadala po ako sa Amsterdam and na-recognize po siya different international film fests. 'Yun din po 'yung dream ko."
Bukod dito, nanalo na rin ang kanyang "Alaala: A Martial Law Special" sa 50th US International Film & Video Festival. —LBG, GMA News
