Nagsimula nang maghanda si Rayver Cruz para sa kaniyang unang proyekto sa pagbabalik-Kapuso. Ang kaniyang unang makakatrabaho, sina Thea Tolentino at Kris Bernal, na aminadong na-shock nang makita ang aktor.


 

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing first time na magsasama sa proyekto sina Kris, Thea at Rayver sa upcoming Kapuso serye na "Asawa Ko, Karibal Ko."

Pero kahit unang pagkakataon na magkita-kita sila,  nagkapalagayan na raw ng loob ang tatlo.

Katunayan, nakita na raw kaagad ang pagiging kuwela ni Rayver sa kanilang unang pagkikita.

"Kuwela na ano parang welcoming 'yung feeling niya para sa mga tao. Kahit first time namin na mag-meet puwede nang chummy chummy eh," sabi ni Thea.

Ikinuwento naman ni Kris na na-shock siya nang unang makita nang personal si Rayver na crush na crush daw niya nung high school.

"As in pinapanood ko siya lagi, ini-stalk ko siya. Ganung kalala. As in crush ko talaga siya. Oh my gosh ha hindi niya alam 'yan," natatawang pag-amin ni Kris.

"Hindi ko akalain na shocks, ngayon makakatrabaho ko na siya," dagdag niya.

Dahil sensitibo ang usapin sa "Asawa Ko, Karibal Ko," dumaan na sa mga workshop ang tatlo para maibigay ang best sa kanilang pag-arte.

"Nu'ng binabasa ko nga 'yung script ano eh parang ang galing nu'ng istorya and kakaibang love story siya. Excited na akong mapanood na ng mga tao and magsimula na," ani Rayver. --FRJ, GMA News