Labis ang pasasalamat ni Kris Bernal sa mainit na pagtanggap ng mga manonood sa bago nilang afternoon series na "Asawa Ko, Karibal Ko." Pag-amin ng aktres, may mga nagmensahe sa kaniya na nangyari raw sa kanila sa tunay na buhay ang istorya ng serye.
Sa pilot week ng serye na pinagbibidahan nina Kris, Jason Abalos, Thea Tolentino at Rayver Cruz, inakala ng karakter ni Kris na si Rachel, na nambabae ang asawa niyang si Nathan (Jason) nang may makita siyang lipstick sa gamit ng asawa.
Ang hindi alam ni Rachel, si Nathan mismo ang gumagamit ng lipstick dahil isa siyang transgender na pilit na itinago ang tunay na pagkatao.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Kris, na sobra siyang nadadala sa matinding drama ng serye.
"Grabe talaga yung mga emosyon, yung galit, yung pain. Umabot na nga doon sa point na we had to stop taping because nagkakasakit na ako, namamalat na yung boses ko," kuwento niya.
Kung saan siya humuhugot ng emosyon sa matitinding eksena, natatawang sabi ni Kris, "Lahat naman tayo dumaan sa point na niloko tayo, nasaktan tayo, siguro dun ko na lang hinugot sa mga past relationships ko."
Maging sa social media, mainit na pinag-uusapan ang paksa ng istorya ng serye dahil na rin sa lihim na pagkatao ni Nathan.
"May mga nagme-message sa akin sa totoo lang sa social media ko, na nangyari din daw sa kanila ito sa totoong buhay. Totoo pala talaga may mga nakaka-relate," kuwento ni Kris.
Ngayong malapit nang madiskubre ni Rachel ang sikreto ni Nathan, asahan daw na lalo pang titindi ang mga eksena sa paglabas ni Thea, ang bagong anyo ni Nathan.
"Paano ko mahuhuli si Jason [Nathan] na nakapambabae siya, at mahuhuli kong may kabit siyang lalaki. At siyempre kung mag-transform siya to Thea Tolentino, abangan nila kung paano ginawa 'yon," ayon kay Kris.-- FRJ, GMA News
