Balik na muli sa kaniyang trabaho sa radyo at telebisyon ang batikang brodkaster na si Mike Enriquez matapos mawala ng ilang buwan dahil sa isyung pangkalusugan. Sa kaniyang pagbabalik, may mensahe siya sa kaniyang mga tagasubaybay.
"Very nice, masarap. Tsaka ang dami... ang daming mga nag-text, tumawag, nag-tweet na 'welcome back," sabi ni Mike nang makapanayam matapos na magbalik siya sa kaniyang programa sa Super Radyo dzBB nitong Lunes ng umaga.
Ayon sa batikang brodkaster, hindi niya mapapasalamatan nang isa-isa ang lahat nang bumati dahil sa dami. Lubha raw nakatataba ng puso ang pagbati at mensahe na kaniyang tinanggap na nasasabing "we miss you."
"Ang mensahe ko naman sa kanila, kung na-miss n'yo 'ko, one hundred times, mas higit na na miss ko kayo," saad ni Mike na nagbalik din bilang news anchor sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes ng gabi.
Nitong nakaraang Agosto inanunsyo ni Mike ang dahilan ng kaniyang pagkawala sa mga programa sa GMA-7 at sa dzBB dahil kailangan niyang sumasailalim sa kidney treatment at operahan sa puso.
READ: Mike Enriquez, sumasailalim sa kidney treatment at nakatakdang operahan sa puso
Pagkaraan nito, nagpakita si Mike sa publiko noong nakaraang Setyembre sa pirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA) ng GMA Network, Commission on Elections (Comelec), academic institutions at iba pang ahensiya para sa Eleksyon 2019.-- FRJ, GMA News
