Hindi talaga kumakain ng palaka si Phenomenal Star Maine Mendoza, ngunit game niya naman itong ginawa para sa pelikulang "Jack Em Popoy The Puliscredibles."

Ito ang ikinuwento ng kaniyang co-star na si Coco Martin sa press conference para sa nasabing Metro Manila Film Festival entry. 

"May eksena po kami doon na, may time kumakain para sa eksena, e totoong palaka talaga 'yong kinakain namin. E hindi po pala siya kumakain no'n. E ako kumakain ako ng palaka eh. E ang problema nu'ng nagte-take na kami, siguro dahil mabilisan... hindi po gaanong luto. Talagang ramdam mo na sariwa pa 'yung kinakain naming palaka," dagdag ng aktor.

Game naman daw itong kinain ni Maine.

"Kaya nagtatawanan kami do'n sa eksena na parang 'Ano, ano, fresh? Fresh na fresh no?' 'Yon, sabi ko nga, 'yong pagkatao niya, kaya siguro siya minamahal ng mga tao, 'yong mga sumusubaybay sa kaniya dahil napakapropesyonal at napakabait at napakasimple niyang tao."

Masaya ring ikinuwento ni Maine ang karanasan siya sa pagkain ng palaka.

"Hindi po ako kumakain ng palaka. Meron pong chicken doon para sa akin, kaso si Coco, inabot sa akin 'yung palaka so tawa siya nang tawa kasi wala akong choice, hindi puwedeng i-cut. Ayoko namang mag-inarte," ani Maine.

"Eeee!! Kahit na kalasa siya ng manok, palaka pa rin ang lasa," saad ng Phenomenal Star.

Walang arte

Ayon kay Coco, humanga siya kay Maine dahil wala daw kaarte-arte ang dalaga. Delikado man ang mga stunts, game pa rin daw si Maine. 

"Sabi ko nga, siguro kung bakit mahal na mahal siya ng mga fans niya, dahil napakatotoo niyang tao. Saka, sabi ko nga sa kaniya noong magshu-shoot kami, 'Gusto mong maging direktor noh?' Kasi ang galing niya eh, kahit hindi mo siya turuan alam niya 'yong anggulo niya alam niya lugar niya, matalino siyang artista, saka game na game," dagdag pa ni Coco.

Hiling ni Coco na sana hindi lang ito ang unang beses na magkakasama sila ni Maine. "Kaya sabi ko nga baka ano, sana, sana hindi ito 'yong huli na pagsasama namin."

Inihayag din naman ni Maine ang naging pagkakakilala niya kay Coco.

"Ambait! Nagulat ako. Kasi first time din po naming nag-meet. So, hindi siya intimidating at all. Sobrang approachable po niya and sobrang gentleman," anang aktres.

"And ayun, sobrang nakaktuwa din kasi inaalalayan niya ako sa mga eksena, tinutulungan niya ako. And tulad nga ng sinabi ni Bossing, very meticulous siya sa mga eksena. Parang kung ma-i-improve pa, mag-take pa tayo ulit. Kung puwedeng perpekto, gawin natin. Gano'n siya," dagdag ni Maine.

"Isa siya sa mga pinaka-passionate na aktor na nakilala ko dito po sa showbiz, sobrang professional," sabi pa ni Maine.

Sa press conference din, inihayag nina Maine at Coco na malayo silang magkamag-anak, nang magkita sila sa isang family reunion.

Makakasama nina Maine at Coco si Bossing Vic Sotto sa "Jack Em Popoy" na ipalalabas sa Disyembre 25. — AT, GMA News