Sa presscon ng pelikula nilang "Jack Em Popoy The Puliscredibles," tinanong si Maine Mendoza kung may posibilidad bang ligawan siya ni Coco Martin. Dito na isiniwalat ng dalaga ang tungkol sa tunay na kaugnayan niya sa aktor.

"Una po sa lahat, para po sa impormasyon ninyong lahat, magkamag-anak ho kami," sabi ng Phenomenal Queen. "Opo, distant relatives po kami. So nalaman na po namin ito."

 

 

Dagdag pa ng "Eat Bulaga" dabarkads, "May family reunion po kami sa Bulacan, tapos kung saan may pagkalaki-laking family tree, nandito po ako, andito si Coco (turo sa kabilang dulo)."

Ayon kay Maine, nadiskubre nila ang pagiging magkamag-anak nila nio Coco ilang linggo bago nila simulan ang shooting ng "Jack Em Popoy," na kasama rin ang "bossing ng bayan" na si Vic Sotto.

"Totoo po kaya, nauna 'yung reunion eh kaysa du'n sa start ng movie so una pa lang, 'yon na 'yung topic namin. Na 'Uy magkamag-anak pala tayo!' Even 'yung family ko na-meet na rin ni Coco. Opo, nauna two weeks 'yung reunion," masayang kuwento ni Maine.

Kinumpirma naman ito ni Coco na hindi rin daw makapaniwala sa kanilang natuklasan.

"Ako rin po eh nagulat po eh. And then nu'ng sinabi sa akin ni Maine 'yon, tinanong ko po 'yung lola ko. Sabi ko, 'La may kamag-anak ba tayong ganito sa Bulacan?' Ayun, nagkatugma-tugma po," anang aktor.

"Kaya nu'ng nag-meet kami ng family ni Maine, nahihiya naman po ako, basta 'yun. Nahihiya po akong mag-approach lang. Pero honestly, siyempre, gusto ko po silang nakilala," dagdag pa ni Coco.

Hindi naman nalinaw pa kung magpinsan ba sila o magtiyuhin.

"Actually malayong malayo po. Kumbaga sa family tree, sobrang layo na. Pero siyempre po 'pag may reunion magkikita-kita 'yung mga kamag-anak namin," saad ni Coco.

Pawang mga pulis ang role nina Vic, Maine at Coco sa pelikula na kabilang sa mga mapapanood sa darating na Metro Manila Film Festival na magsisimula sa Disyembre 25.-- FRJ, GMA News