Ngayong kapaskuhan, uso na naman ang paglalagay ng mga makukulay na dekorasyon sa loob at labas ng bahay. Ayon sa isang Feng Shui expert, hindi sapat lang ang paglalagay ng dekorasyon dahil dapat ay may tamang kulay para maakit ang good energy at suwerte sa tahanan.

Sa programang "Mars" nitong Miyerkoles, sinabi ni Johnson Chua, Feng Shui expert na may kaugnayan sa limang elemento ng wood, fire, earth, metal and water ang direksyon kung saan nakaharap ang bahay sa pagpili ng kulay sa dekorasyon.

Ang kulay ng wood ay berde; ang fire ay pula; ang earth ay dilaw; ang metal ay white; at ang water ay asul.

Kapag sa north nakaharap ang bahay, water energy ang ina-attract nito kaya mainam na gumamit ng mga decor na kulay asul.

Kapag ang bahay naman ay nakaharap sa southeast at east, wood energy ang hinihikayat nito kaya mabuti ang mga Christmas tree, o iba pa tulad ng doormat.

Mga puting decor naman ang gagamitin kapag nasa west o northwest nakaharap ang bahay dahil nangangahulugan ito ng metal energy. Puwede ang mga wind chimes bilang mga disenyo.

Ang south ay sumisimbolo ng fire energy kaya kung doon nakaharap ang bahay, red Christmas ornaments ang maaaring gamitin.

Para malaman kung saan nakaharap ang bahay, magtungo lang sa pintuan at itutok ang compass [kahit na ang nakalagay sa mga cellphone] para malaman kung saan nakaharap ang bahay.

Maaari ding umanong magdisenyo ng mga decor batay sa kaarawan.

Kung ang tao ay ipinanganak sa Pebrero, Marso, Abril, Mayo, Hunyo, at Hulyo, maaari niyang gamitin ang puting Christmas tree na sumisimbolo ng winter.

Kung Agosto, Setyembre, Oktubre, Nobyembre, Disyembre at Enero naman ipinanganak, gamitin ang mga berdeng Christmas tree bilang "add-on" energy.

Panoorin ang kanilang buong talakayan sa video na ito.

--FRJ, GMA News