Mula sa madrama at maaksyong fantaseryeng "Encantadia," muling magtatambal sina Ruru Madrid at Kylie Padilla bilang mga tricycle driver sa rom-com series na "Toda One I Love."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nag-recording na ng theme song ng serye si Ruru.

Sumabak na rin siya sa pictorial kasama ang co-stars na sina Kylie, Kim Domingo, David Licauco, Gladys Reyes, Kimpoy Feliciano at Maureen Larrazabal.

"I can't wait na mag-taping kami kasi ngayon pa nga lang, sobrang kulit na naming lahat. Sa pictorial pa lang, parang ang tagal na naming magkakasama. What more 'pag everyday, almost everyday magkakasama kami sa taping," sabi ni Ruru.

Natutuwa rin ang aktor na muli silang magkakatambal ni Kylie na una niyang naka-partner sa "Encantadia." Pero sa pagkakataong ito, romantic-comedy naman ang nilang gagawin.

"Advantage sa'kin na nagmomotor rin talaga ko so, tricycle driver kaming dalawa dito at nakaka-excite na bagong role," sabi ng binata.

Dahil wala pang taping, binuo na ni Ruru ang plano niya kasama ang pamilya ngayong holiday season papuntang La Union. -- FRJ, GMA News