Ngayong isa nang ganap na Kapuso, inihayag ni Kiray Celis na isa sa mga gusto niyang makatrabaho ang comedy genius na si Michael V. Handa rin siyang mag-guest sa "Bubble Gang" kahit na naglalakad lang daw sa likod.
"Specific talaga, si Bitoy [Michael V.]. Dream kong makatrabaho si Michael V. It's gonna be a pleasure kapag nakatrabaho ko siya," saad ni Kiray nang mag-contract signing sa GMA Network nitong Huwebes.
Kiray Celis, Kapuso na sa kaniyang pagpirma ng kontrata sa GMA Network. @gmanews pic.twitter.com/NaKW5wRFBg
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) December 20, 2018
"Bubble Gang is Bubble Gang. Michael V. is Michael V. So nu'ng nag-sign ako sa Artist Center, kinilig ako kasi, 'Aww makikita ko si Michael V.!' Hindi ko nire-request na makatrabaho ko siya, pero makikita ko si Michael V. Solid kasi si Michael eh, kilala niyo si Michael na magaling na komedyante pero alam niyo sa sarili niyo na lahat kayang gawin ni Michael. And I want to be that way," dagdag ni Kiray.
Wala naman daw balak si Kiray na i-peg si Michael, ngunit sinabi ng aktres na gusto niyang matuto kung paano mag-isip ang isang comedy genius.
"Hindi ko kayang gayahin, hindi ko sinasabing gusto kong maging Michael V., gusto kong maging si Kiray pero gusto ko 'yung perspective bilang Michael V. na kayang gawin, kayang magsulat ng ganito, kayang mag-isip ng ganito, kayang i-arte 'yung ganito. Gusto maging ganoon. And matagal ko nang nilu-look up si sir Michael. So, everyone naman."
Sinagot din ng aktres kung bukas ba siyang mag-guest sa longest running gag show sa bansa na "Bubble Gang."
"Sana, kahit naglalakad lang sa likod. Nasanay kasi ako parang, lagi ko silang nakikita lang kapag may mga awards night... Kasi siyempre laging Gag show eh, comedy show, 'yun din 'yung laging magkalaban. Du'n ko lang sila nakikita," sabi ni Kiray.
Bagong Kapuso
Hindi naitago ni Kiray ang kaniyang saya sa paglipat niya sa GMA Network.
"Dinadamdam ko pa, sinasapuso ko na. Very happy and sobrang saya kasi sobrang grabe 'yung welcome nila sa akin," anang aktres.
"Gusto ko lang ng bago para sa sarili ko. And gusto ko rin ng mga bagong ganap sa buhay ko and katrabaho. Bagong taon, bago lahat. Kailangan 'di ba may mga New Year's Resolution tayo so feeling ko ito, kailangan ko ng bago sa buhay ko," paliwanag pa niya.
Nauna nang inanunsyo na kasama si Kiray sa bagong teleserye kasama sina Gabby Concepcion at Jennylyn Mercado.
"Naka-work ko na si Ms. Jen pero sa out of town show, sa serye, first time po. Si papa Gab, sa movie, so first time din sa serye."
Bukod pa sa teleserye, at mga guestings, mayroon din siyang gagawing pelikula.
"Nakatrabaho ko na rin kasi 'yung ibang mga tao dito so very happy ako kasi grabe 'yung pagmamahal, sa totoo lang grabe talaga. And feeling ko I deserve this and thank you very much sa opportunity kasi binibigay nila sa akin ito nang buong buo kasi feeling ko meron pa akong kayang ipakita at binibigyan nila ako ng chance para ipakita 'yun para sa inyo," ani Kiray. -- FRJ, GMA News
