May kaniya-kaniyang kasiyahan, kalungkutan o ups and downs ang bawat tao sa 2018, kaya ang ilang Kapuso stars, binigay ang kanilang rating ng taong ito base sa kanilang karanasan.

Sa Star Bites report ni Suzi Abrera para sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Miyerkoles, sinabi ni Ruru Madrid na 10 ang rating niya sa 2018 dahil sa dami ng biyayang kaniyang natanggap.

"Ang dami kong projects na nagawa, ang dami kong natutunan. May mga businesses din akong nagawa. So I am very happy for this year," sabi ni Ruru.

Para kay Glaiza de Castro naman, kada taon ay malaki ang kaniyang pasasalamat.

"Every year talaga 10. It's a different experience, mga realizations. 'Ah kaya ko pala 'yon!' or 'Na-overcome ko 'yun!'" sabi ni Glaiza.

Tinitingnan ni Teresita Ssen Winwyn Marquez na magkakasunod na tagumpay ang 2017 at 2018 kaya higit pa sa 10 ang rating niya.

Taong 2017 kasi nang masungkit niya ang korona sa Reina Hispanoamericana.

"Kasi 2017, 2018 ko magka-connect 'yan eh. Nu'ng 2017 nanalo ako, nu'ng 2018 nag-pass ako ng crown. So siguro more than 10 eh. Talagang ibang level, kung puwedeng 100, 200 kasi 'yung mga wildest dreams ko nagkatotoo 'di ba," anang beauty queen.

Si Barbie Forteza, 8 out of 10 dahil bukod sa kaniyang first out of town shoot, masaya ngayon sa kaniyang lovelife kasama si Jak Roberto.

"Kakaibang experience na nakapag-shoot ako out of town for a regular show. That was for Inday Will Always Love You then after nu'n, parang isang buwan lang akong nagpahinga tapos may bago na naman. So napaka-blessed ng 2018 ko. Sana every year ganito, 'yung walang pahinga. Okay lang, okay lang, masaya," sabi ni Barbie.

"Of course, si Lovidab (Jak). Lovidab?" natatawa pang sabi ni Barbie.

Noong una ay mababa ang rating ni Migo sa 2018.

"The first, beginning of 2018, I give it a three out of 10. But after March all the way to December it is an 11 out of 10. We just started Studio 7 atsaka Barangay 143 which is the first Filipino anime series sa Pilipinas. Starting by January we'll be starting Inagaw na Bituin, makakasama ko si Kyline Alcantara," ayon kay Migo.

Pati si The Clash champion Golden Cañedo ay 10 out of 10 ang rating ng 2018.

"Kasi nanalo po ako ng The Clash at lahat-lahat ng pangarap ko natupad. And kasama ko po 'yung family ko dito," sabi ni Golden. — Jamil Santos/RSJ, GMA News