Ngayong tapos na ang 2018, marami ang nagpasalamat sa taong ito dahil sa kanilang mga pinagdaanang saya, mga hamon, at pagsubok. Kabilang na rito ang ilang Kapuso singers, na inilarawan sa pamamagitan ng kanta ang taon.

Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkoles, makikitang awitin ng pasasalamat kung ilalarawan nina "Boyet" Ken Chan at The Clash champion Golden Cañedo ang 2018.

"Kasi nagpapasalamat ako sa biyaya na natanggap ko this 2018, sa My Special Tatay, sa Walk of Fame, sa mga sumusuporta sa akin. Kay Lord, sa pamilya ko, sa GMA Network," ayon kay Ken.

"Kanta po na 'Salamat' by Yeng. Nagpapasalamat po ako sa lahat ng biyayang nabigay po sa akin," sabi naman ni Golden.

Ikinumpara din sa mga awitin nina male Clashers na sina Anthony Rosaldo, Garrett Bolden, at Psalms David ang kanilang naging karanasan nitong nakalipas na 2018.

"Angels Brought Me Here by Guy Sebastian. Sobrang umaakma siya kasi parang it's been a long and winding journey. Pero you're finally here," ayon kay Garrett.

"The Climb. Hindi 'yun 'yung kung bakit nasa top ka na. And 'yung reason ng lahat, kung ano 'yung natutunan mo while papunta ka sa taas," sabi naman ni Clasher Anthony.

"Mangarap Ka. It was the theme song ng The Clash," ayon kay Psalms. — Jamil Santos/MDM, GMA News