Isang 18-anyos na babaeng estudyante mula sa La Union, ang pumasa at nakakuha ng full scholarship sa Harvard University sa Amaerika, at isa sa pinakaprestihiyosong unibersidad sa buong mundo.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala si Reya Nikole Siojo, nagsunog ng kilay at nagsakripisyo para mapanatili ang pagiging valedictorian mula elementary hanggang senior high school.

“Sobrang hirap po as in kasi very demanding nu’ng workload, nu'ng schedule, ang dami pong requirements, advance po 'yung mga topics namin,” sabi niya.

Grade 9 pa lang si Reya nang mag-dorm at mamuhay siyang mag-isa sa Baguio para sa scholarship na nakuha niya sa isang paaralan sa lugar.

Halos araw-araw nagbi-video call sina Reya at ang kaniyang lola na si Remelin Bautista na nasa La Union upang maibsan ang kaniyang lungkot at pagiging ulila.

“Hindi na po ako nakakauwi dito sa probinsya namin kasi kailangan ko pong gamitin 'yung time ng weekends para mag-aral at magtapos ng requirements,” sabi niya.

Reward ni Reya sa kaniyang sarili mula sa kaniyang matataas na grade ang paglalaro ng mobile games.

Pero sa likod ng kaniyang mga tagumpay, may tahimik na pangungulila sa puso ni Reya. Taong 2014, sa mismong araw pa ng ikapito niyang kaarawan, naaksidente at pumanaw ang kaniyang ina.

“We got into a car accident and nawala po 'yung mother ko. Siyempre kahit sino naman po at that very young age, medyo mahirap po and malaki 'yung impact niya,” saad niya.

Pagkawala ng ina ni Reya, ang kaniya nang lola ang tumayong pangalawang magulang na nag-alaga at nagtaguyod sa kaniya.

“Kasi ako may negosyo din noon, pero iniwan ko 'yung negosyo ko na ‘yun just to take care of her,” ani Lola Remelin.

Paborito ni Reya ang sinigang na baboy na niluluto ng kaniyang lola sa tuwing nalulungkot o pagod sa pag-aaral.

Ang matinding hamon sa murang edad ang naging pinakamakas na motibasyon ni Reya para magsumikap sa pag-aaral at magtagumpay sa buhay.

“Ginawa ko pong motivation 'yung mommy ko po sa pag-aaral ng mabuti and para sa mga goals ko po sa buhay,” ani Reya.

Kalaunan, naipadala siya sa Oklahoma, USA para sa isang summer science program noong nakaraang taon. Ito rin ang nagsilbing daan sa pangarap niyang subukang mag-apply sa mga prestihiyosong eskuwelahan sa abroad.

Dumating ang biggest plot twist ng buhay-estudyante ni Reya nitong Marso.

“Nakabukas na po ako ng dalawang university tapos rejected po siya. So medyo nanghina na 'yung loob ko,” kuwento niya.

“Tapos biglang Harvard na po 'yung bubuksan ko. Tapos pagkabukas ko po noong portal ko, may confetti,” dagdag niya, nang natanggap siya sa Harvard University.

Binigyan si Reya ng unibersidad ng full scholarship package na may kasama pang housing at pamasahe.

“Tapos nu'ng tinawagan ko na po 'yung family ko, very surprised din sila noong una. Parang ‘di pa po sila naniniwala. Hopefully, makakuha po ako ng double degree in chemistry and economics po,” sabi niya.

Mensahe ni Reya sa mga kapwa mag-aaral: “Don't let your circumstances or 'yung mga pagsubok na naranasan niyo to define your dreams or limit your dreams. So, work hard. Surround yourself with people na mag-uplift sa'yo. And huwag kang matakot na mag-fail or mag-start over.” – FRJ GMA News