Sandaling natigil ang taping ng bagong Kapuso series na "Toda One I Love" nang aksidenteng tamaan ng suntok ng stuntman si Kylie Padilla sa ginawang fight scenes.



Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA news "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing bahagyang nahilo daw si Kylie at aminadong nasaktan dahil malakas ang pagkakatama ng suntok sa kaniyang mukha.

Mismong si Kylie raw ang may gusto na siya ang gagawa ng mga fight scene sa serye kung saan ginagampanan niya ang role na si Gelai, na isang tricycle driver.

"Medyo may impact siya, may impact siya," sabi ni Kylie habang itinuturo kung saan niya naramdaman ang suntok.

Kaagad din namang nilapatan ng first aid si Kylie at saka dinala sa ospital para ma-x-ray na all clear naman ang resulta kaya walang dapat ipangamba.

Sabi ni Kylie, hangga't maaari ay hindi siya pumapayag na may stunt double.

"More on nag-e-enjoy ako d'un sa adrenalin rush na dala nu'ng fight scene. Saka it's fun for me na nag-a-action ako or nagmu-Muay Thai or nagma-martial arts kasi nga gusto ko yung feeling," paliwanag niya.

Sadya raw na kung minsan ay hindi raw talaga maiiwasan na nagkakaroon ng aksidente.

"Na-train naman kami nung mga bata kami, nag-training ako so alam ko naman yung mga tamang kilos. Pero minsan lang talaga sa mga fight scene nagkakatamaan, normal lang yun," dagdag niya.-- FRJ, GMA News