Kinagiliwan ng netizens ang ginawang video ng mga estudyante sa Quezon City na tila pinagsama-sama sa isang eksena ang mga karakter sa mga Kapuso series na "Onanay," "My Special Tatay" at "Kara Mia."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi na ang 3-in-1 na kulitan ay gawa ng mga mag-aaral ng Sta. Lucia High school.

Sa video, kunwaring nagtatalo sina Onay at Helena ng "Onanay" upang hanapin si Rosemarie.

Sa gitna ng pagtatalo ng dalawa, eeksena naman si Boyet na mula sa "My Special Tatay," para awatin sila.

Lalong tumindi ang tawanan nang pumasok na sina "Kara Mia," ang babae na isa ang katawan pero magkabilaan ang mukha.

Samantala, maliban sa iba't ibang meme ng "Kara Mia," ilang netizens din ang kumasa sa nauuso ngayong "#KaraMia challenge."

Sa naturang challenge, ginagaya ng netizens ang eksena nang ipakita ang nakatagong mukha ni "Mia" na kinaaliwan din online.

Nitong Huwebes ng gabi, inilabas ang ikalawang teaser video ng "Kara Mia" kung saan umabot agad sa mahigit 1.5 million ang views sa loob lang ng magdamag.-- FRJ, GMA News