Hindi naitago ng aktres na si Diana Zubiri ang saya dahil matapos ang mahigit sampung taon, muli niyang makakasama ang mga kapwa Sang'gre na sina Iza Calzado, Sunshine Dizon at Karylle para sa pelikulang "Mystified."

"Ang Mystified kasi ay reunion naming mga Encantadia sisters ko before, with Sunshine Dizon, with Iza Calazado and Karylle. And alam niyo po ba na 10 years kaming hindi nagkatrabaho together. Ako personally kasi matagal akong nawala noon, and then being with them again, sobrang exciting at maraming naganap sa shooting namin," saad ni Diana sa panayam sa kaniya ng GMA reporters nitong Miyerkoles sa GMA Network.

Aniya, ito rin daw ang unang pagkakataon nila bilang mga producers.

"Siyempre maraming reminiscing, maraming mga alaala na mga napagkuwentuhan, at the same time very happy kami na nadi-discuss namin 'yung mga personal side at business side ng show namin or ng movie namin kasi ito ay kauna-unahang movie namin as producers na rin. So magpo-produce na kami, ito 'yung start, and sana lahat ng mga naging fans ng Encantadia rin before ay ma-nostalgia kumbaga. Ha! Ha!

"Kasi 'di ba po '90s halos 'yung mga fans before namin, sana sila din 'yung mag-support dito sa Mystified," dagdag pa niya.

Sinabi ni Diana na iba na ang kuwentuhan nila ngayon ng kaniyang Encantadia sisters kumpara noong magkakasama pa sila noong 2005.

"Kung ang dati po ang pinag-uusapan pa lang namin ay kung ano 'yung kakainin namin sa taping, kung anong oras kaming matatapos or saan kami after taping, kung ano ang gagawin namin pagkatapos ng taping, ngayon iba na. Usapang buhay, usapang anak, usapang kasalan, usapang business ang pinaka-importante at siyempre, ang pagma-market ng pelikula.

"So halos lahat 'yon ginagawa namin... Nagmi-meeting kami sa aming chat room, parang, 'Oh my God, ang tanda na natin ano? Parang andami nang pinagdaanan from 14 years.' Kaya ramdam po namin at napag-uusapan namin na ibang-iba na pala talaga ngayon," ayon pa kay Diana.

Maging ang direktor ng Mystified, reminiscing din dahil ito'y walang iba kundi si Mark Reyes, ang direktor din ng Encantadia.

"Ah siyempre! Hindi siya puwedeng mawala doon. Siya po ang naging tulay din naman ng pelikula para mabuo 'yun."

Tiyak namang makaka-relate ang audience dahil ginawa itong relatable sa millennials.

"Since na-miss nila kami na gumawa ng show together, dito sana masuklian namin 'yung kanilang kagustuhan at pananabik, at siyempre, gusto nila 'yan eh, 'yung mga may powers kami together, meron kaming mga kaunting confrontation together, meron kaming mga scenes together na talagang mga linya-linya kumbaga. Eh ngayon millenial, 'di ba? Kasi hindi namin puwedeng gamitin 'yung ibang lines from Encantadia pero we tried kung ano man 'yung mga linya sa pelikula na ginawa namin kaya kaabang-abang 'yun kaya kailangan abangan nila," saad ni Diana.

Pag-aamin ni Diana, mas challenging ang fight at confrontation scenes sa Mystified, lalo't ilang taon na nila itong hindi nagawa.

"Ang challenging sa Mystified, since you know, ilang taon na po kaming hindi nagfa-fight scenes. Ha! Ha! 'yun po 'yung pinaka-challenging. Kaya ang ginawa namin, nag-train kami ulit, kasi siyempre ang mga buto namin hindi na siya kagaya ng dati na matitibay. Hindi namin kayang tumambling na gaya ng dati, hindi namin kayang mag-arnis. So kailangan balikan ng memory ng katawan din namin 'yun eh."

"'Yun 'yung pinaka-challenging siguro sa akin, ang mag-harness ulit." —JST, GMA News