Tumaas ang bilang ng overseas Filipino workers (OFWs) sa 2.19 milyon noong 2024, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas nitong Martes.

Mas mataas ang naturang bilang sa 2.16 milyon noong 2023.

Ayon sa PSA, ang Overseas Contract Workers (OCWs), o mga Pilipinong manggagawang may umiiral na kontrata sa trabaho, ang bumubuo sa mayorya o 97.9% ng kabuuang OFWs noong 2024.

Samantala, ang natitirang 2.1% ay binubuo ng mga OFW na nagtatrabaho nang full-time ngunit walang working visa o work permit, o gumagamit ng iba pang uri ng non-immigrant visa tulad ng tourist, visitor, student, at medical visa.

Nakasaad din sa datos ng PSA na 1.25 milyon o 57.2% ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa ay kababaihan.

Gayundin noong 2023, mas marami ring babaeng OFW na umabot sa 1.20 milyon o 55.6%.

Lumitaw din sa datos ng PSA na humigit-kumulang apat sa bawat 10 o 43.6% ng mga OFW noong 2024 ay nasa “elementary occupations,” o mga trabahong nangangailangan ng simple at routine na mga gawain na kadalasang gumagamit ng mga handheld tools at ng lakas.

Ang ikalawang pinakakaraniwang trabaho ay plant and machine operators at assemblers, na bumubuo sa 15.4% ng lahat ng OFWs.

Sinundan ito ng mga service at sales workers na may 12.7%.

Ayon sa PSA, sa 17 rehiyon ng bansa, ang CALABARZON ang may pinakamalaking bahagi ng OFWs na umaabot sa 20.5% ng kabuuan noong 2024.

Sinundan ito ng Region III (Central Luzon) at Region VI (Western Visayas) na may bahagi na 11.3% at 9.5%, ayon sa pagkakasunod.

Noong 2024, nanatiling Asya ang pangunahing destinasyon ng mga OFW na may 74.5% ng kabuuan.

Sinundan ito ng Europa sa 10.6%, Hilaga at Timog Amerika sa 9.2%, Australia sa 4.4%, at Africa sa 1.3%.

Sa mga bansa sa Asya, ang Saudi Arabia ang nangungunang destinasyon ng mga OFW sa 21.9%, sinundan ng United Arab Emirates sa 12.4%.

Samantala, ang Malaysia ang may pinakamababang bilang ng OFWs na may 1.7% ng kabuuan noong 2024.

Ayon sa PSA, tinatayang 2.19 milyong OFWs, 35.9% ang nagpadala ng cash remittances na mula P40,000 hanggang mas mababa sa P100,000.

Dagdag pa rito, 33% ng mga OFW ang nagpadala ng hindi bababa sa P100,000.

Samantala, 11.6% ng mga OFW ang hindi nagpadala ng cash remittances sa nasabing panahon.

Umabot sa P262.20 bilyon ang kabuuang remittances na ipinadala ng mga OFW, na binubuo ng P214.31 bilyong cash remittances, P40.56 bilyong cash na dinala pauwi, at P7.33 bilyong remittances na in kind.

Ayon pa sa PSA, ang karaniwang halagang ipinapadala ng isang OFW noong 2024 ay P129,000, mas mataas kumpara sa P123,000 na average remittance noong 2023.

Sa P214.31 bilyong cash remittances, P133.08 bilyon o 62.10% ay nagmula sa mga OFW na nagtatrabaho sa mga bansa sa Asya. — Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News