Upang "mailigtas" ang bagong pinturang dingding ng kanilang kuwarto, “inialay” ng isang ina ang kaniyang mukha at katawan para magsilbing canvass ng kaniyang baby na mahilig magpinta. Deadma na rin si mommy sa kaniyang kakaibang looks kahit pa makita siya ng mga kapitbahay at delivery rider na maghahatid ng parcel.
Sa ipinakitang video sa GMA Integrated Newsfeed, tila naging bonding moment na nina Mommy Lady Ly Lobrio at ng kaniyang anak na si Kyla, ang tila painting session nila.
Iyon nga lang, mismong ang mukha at katawan ni mommy ang nagiging canvass ni Kyla.
Kung hindi marker ang gamit ni Kyla, ballpen naman ang anumang bagay na puwedeng ipangkulay sa mukha ng kaniyang ina.
At kung may dumating na parcel, deadma rin si mommy na humarap na makulay ang mukha sa delivery rider na kung minsan ay nagugulat kung ano ang nangyari sa kaniya.
Ayon kay mommy Lady, na-discover ni Kyla ang bago nitong hobby na tila pagdo-drawing nang minsan makatulog siya.
“Hinayaan ko na po siyang humawak ng pen kasi sarili naman po niya ang sinusulatan niya. Pero nu’ng makatutulog na po ako, ako ang nakita niya,” saad ni mommy.
Hanggang sa lumawak pa ang imahinasyon ni Kyla na pader na ng kanilang kuwarto ang ginawang malaking canvass.
Pero nang pinturahan na ang kanilang kuwarto, ipinagbawal na ni mommy kay Kyla na guhitin ang kanilang dingding. Sa halip, inialay na lang niya ang kaniyang mukha at katawan.
Wala naman daw dapat ipag-aalala sa kanilang safety dahil washable at non-toxic ang markers na ginagamit ng anak.—FRJ GMA Integrated News
