Duguan at patay na nang matagpuan ang katawan ng isang babae sa bakanteng lote sa Barangay Indahag sa Cagayan de Oro City noong Sabado. Ang mister ng biktima, naiyak nang makita ang bangkay ng kabiyak pero lumitaw na sila pala mismo ang salarin sa nangyaring krimen.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nagtatrabaho sa isang Business Process Outsourcing (BPO) company ang 37-anyos na biktima.

Ayon sa awtoridad, nagtamo ng 12 saksak sa leeg ang babae.

Nang dumating sa lugar ng pinangyarihan ng krimen ang mister ng biktima, napaupo ito at naging emosyonal.

Ngunit ayon kay Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) Spokesperson, Police Major Joann Navarro, kinalaunan ay umamin umano ang mister sa harap ng kaniyang abogado na siya ang pumatay sa kaniyang asawa.

Ayon sa suspek, naglalakad sila ng kaniyang misis papunta sa city proper noong Biyernes ng gabi nang magkaroon sila ng pagtatalo na humantong sa krimen.

“Kapila na gyud maam na inform pa gani nako ni sir, ako ang mga video naa na siya’y mga video nga sensitive bitaw. More than nude tapos makig-collab (sa uban),” ayon sa suspek.

Ngunit ayon sa pulisya, may record na ng dating alitan ang mag-asawa na nauuwi sa sakitan.

Selos ang nakikitang motibo ng suspek sa paggawa ng krimen.

Inaalam din ng pulisya ang impormasyon na nakuha nila na gumagamit ng ilegal na droga ang suspek, na mahaharap sa kasong parricide. – FRJ GMA Integrated News