Nahuli-cam sa social media live ang pananaksak ng isang lalaki sa may-ari ng salon sa Camiguin noong Linggo.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa loob ng solon sa Barangay Yumbing sa bayan ng Mambajao

Habang naka-live, dumating ang 50-anyos na suspek na diretsong pinuntahan ang 33-anyos na biktima na inundayan niya ng saksak.

Kaagad namang sumaklolo ang isang barbero at pilit na inagaw ang patalim sa suspek.

Makikita ang biktima sa video na duguang hawak ang kaniyang leeg na nagtamo ng sugat.

Naaresto naman kinalaunan ang suspek, na napag-alaman na may ka-live in na kaalitan ng biktima na umabot sa social media.

“Nag-aaway sila through online posting. Medyo matagal-tagal na siguro nakapagsumbong ang kaaway ng biktima sa suspek (kaya ito nangyari),” ayon kay Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) Spokesperson, Major Joann Navarro.

Nasa maayos na kondisyon na ang biktima na desidido umanong kasuhan ang suspek.

Wala pang pahayag ang suspek pero inamin umano nito sa mga awtoridad na lasing siya nang mangyari ang insidente.—FRJ GMA Integrated News