Isama kaya ng batikang kontrabida na si Gladys Reyes si Kylie Padilla sa mahaba niyang listahan ng mga artista na kaniyang nasampal sa mga eksena?
Sa upcoming Kapuso political rom-com series na "TODA One I Love," gaganap na kontrabida si Gladys bilang si Mayora Dyna T. Generoso, na magiging sakit ng ulo ng mga tricycle driver na kinabibilangan ni Kylie.
Sa media conference ng serye nitong Miyerkoles sa GMA Network, tinanong si Gladys kung makakatikim din kaya ng sampal niya si Kylie, na anak ng action star na si Robin Padilla.
Presenting the cast of GMA’s newest rom com series TODA One I Love to premier on Telebabad: Gladys Reyes @gmanews pic.twitter.com/u5ccNkxNIu
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) January 30, 2019
"Medyo natatakot ako doon sa tatay eh, so medyo nagdadalawang-isip pa ako doon [sa pagsampal]. Pero tingnan din natin 'yan," birong sakit ng aktres.
"Baka naman mapagpaliwanagan ko si Robin. Trabaho lang," natatawa niyang dagdag ni Gladys.
WATCH: Gladys Reyes, nag-demo ng iba't ibang level ng kaniyang sampal bilang kontrabida
Huling nagkontrabida si Gladys sa nakaraang serye na "Inday Will Always Love You" kung saan pinahirapan niya ang karakter ng bidang si Barbie Forteza.
Pagtiyak ni Gladys, asahan daw na hindi pa rin mawala ang mga pasabog ng kaniyang karakter sa "TODA One I Love."
"Kaya nga po ang creative ng 'TODA One I Love,' hindi naman papayag na pakabog, 'di ba du'n sa bago nating programa. Basta ina-assure ko lang po sa kanila na, kumpirmado, mas maraming mga kaabang-abang na eksena dito po sa ating bagong palabas na ikagugulat ulit ng mga manonood at ikagigigil nila. Maaaring ika-heart attack na rin nila," saad ni Gladys.
Dati nang tinanong si Gladys kung hindi pa siya nagsasawa na gumanap bilang isang kontrabida. Ayon sa kaniya, hindi siya magsasawa hangga't gusto ng mga manonood ang kaniyang mga pasabog.--FRJ, GMA News
