Hindi raw inakala nina Boobay at Super Tekla na magiging mainit ang pagtanggap ng mga manonood sa paglipat sa telebisyon ng kanilang programang "The Boobay and Tekla Show o "TBATS."

Sa Star Bites report ni Nelson Canlas sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabi nina Boobay at Tekla na talagang pinaghihirapan nila ang bawat episode ng kanilang show.

Kaya naman labis ang pasasalamat nila na naging magandang ratings nito at positibo ang mga natatanggap na puna o review.

Hindi nga raw biro ang pagle-level up ng programa mula sa online show na ginawang tv show. Ngayon daw nila naramdaman ang kaibahan ng dalawa pero sulit ang lahat ng pagod.

"Mas ni-level up 'to nang bonggang-bongga. Sa online puwede kaming papetik-petiks lang, pang laro-laro lang. Ito [sa TV] hindi, talagang pinag-aaralan namin, ayon kay Tekla.

Masayang ikinuwento rin ni Tekla ang pagkikita nila ng kaniyang anak na si Airah kamakailan nang mag-concert siya kasama sina Christian Bautista at Julie Ann San Jose sa Iloilo.

Nakapanood daw si Airah ng "The Sweetheart and the Balladeer: Fun Night Only," at proud na proud daw ang bata sa kaniya.-- FRJ, GMA News