Gaganap bilang isang Filipino-Chinese para sa bagong Kapuso afternoon series na "Dragon Lady," nag-ikot sa Binondo, Maynila ang aktres na si Janine Gutierrez para mapaghandaan pa ang kaniyang role at matuto sa kultura ng mga Chinoy.

Tinungo na ni Janine ang Binondo bago pa mag-Chinese New Year, ayon sa Star Bites report ni Aubrey Carampel sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes.

Sa kaniyang pagdating sa lugar, first stop na agad ni Janine ang pagtikim sa mga tradisyonal na pagkain tulad ng siomai, siopao pansit at fortune cake.

Matapos nito, pinuntahan niya naman ang tindahan ng mga lucky charms, at naakit sa mga money tree.

"Gusto ko na lang 'to. Family and pampasok pera para makapag-ipon ipon. Dito tayo sa money tree!"

Ayon sa kaniyang Chinese zodiac, ipinanganak sa Year of the Snake si Janine kaya hindi raw siya masyadong swerte sa Year of the Earth Pig. Dahil dito, ibinigay sa kaniya ang isang amethyst na bracelet.

Magagamit aniya ni Janine ang kaniyang natutunan sa Binondo para sa "Dragon Lady."

"Nakakatuwa na ganoon katatag 'yung mga paniniwala nila, at talagang nagba-branch out siya sa lahat ng aspeto ng buhay nila, pati sa pagkain, merong swerteng pagkain, sa bahay merong Feng Shui," sabi ni Janine.

May aral din siyang natutunan sa kaniyang Chinatown experience.

"Hindi din talaga puro swerte lang ang dapat mong paniwalaan. Wala kang maaani sa swerte kung hindi ka din naman nagsisipag," ani Janine. —Jamil Santos/ LDF, GMA News