Kahit magkaribal sa puso ni Kylie Padilla sa Kapuso series na "TODA One I Love," sinabi ni Ruru Madrid na wala silang kompetisyon ni David Licauco pagdating sa pangangatawan.
Sa media conference ng "TODA One I Love" kamakailan, inilahad ni Ruru na karamihan sa mga conflict scenes ay silang dalawa ni David ang magbabanggaan.
Presenting the cast of GMA’s newest rom com series TODA One I Love to premier on Telebabad: Ruru Madrid @gmanews pic.twitter.com/coGs7AZ5Jz
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) January 30, 2019
"Lahat po ng mga fight scenes kami pong dalawa ni David po ang nag-aaway," saad ni Ruru.
At dahil kilala si David sa pagkakaroon ng magandang pangangatawan, sinabi ni Ruru na pinaghandaan din niya na maging physically fit sa serye.
"Kasi siyempre nakakahiya naman na isang David Licauco ang makakabanggaan mo. So siyempre po kailangan mo ring paghandaan 'yan. Hindi na po ako kumakain ng apat na araw," biro niyang sabi.
"Nagda-diet po talaga ako ngayon. Siyempre iba pa rin po talaga pagka mararamdaman mo na 'yung katawan mo," sabi pa ni Ruru.
Sa one on one interview kay Ruru, tinanong kung natatakot ba siya sa pa-abs ni David.
"Hindi! Bakit ako matatakot sa abs niya? May ice pick ako, gripuhan [ko siya eh]," natatawang biro ng aktor.
Ngunit iginiit niyang walang kompitensiya sa kanila dahil pareho nilang pinaghirapan ni David ang kanilang mga pangangatawan.
"Si David kasi kumbaga, ayoko namang nakikipagkumpitensya pagdating sa katawan. Parehas naming pinaghirapan 'yan eh."
Tinanong si Ruru kung ilan ang abs niya?
"Sa akin po siguro mga 18. Hanggang pisngi may abs!" biro pa niya.
Parehong mga modelo ng isang clothing brand sina Ruru at David, na nakita sa "Under The Stars" fashion show noong 2017.
Sa episode 2 naman ng TODA One I Love, mapapanood na agad ang nabubuong interes nina Emong (Ruru) at Kobe (David) kay Gelay (Kylie).
--FRJ, GMA News
