Nananatiling matatag ang magkapatid na Rayver at Rodjun Cruz matapos pumanaw ng kanilang si Mommy Beth dahil sa sakit na pancreatic cancer. Ayon sa kanila, napakabilis ng mga pangyayari.
"Ang bilis kasi lahat ng pangyayari eh. And a month ago, okay naman siya talaga eh, malakas naman talaga eh. Until after nu'ng New Year..." saad ni Rayver sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras."
Katunayan, masaya pa silang nakapagbakasyon sa Singapore noong December 2018 at nakumpleto pa nila ang simbang gabi.
Healthy rin daw ang lifestyle ng kanilang ina at aktibo sa zumba group.
Pero sa kalagitnaan nitong nakaraang Enero, idinaing daw nito ang sakit na nararamdaman at nang magpasuri ay doon na nila natuklasan na mayroong Stage 4 pancreatic cancer ang kanilang ina.
"Isa sa mga aggressive na cancer talaga 'yung pancreatic cancer so... pero fighter si mama eh," dagdag pa ni Rayver.
Dinamayan sina Rayver at Rodjun ng kanilang mga kamag-anak, kabilang si Sunshine Cruz. Nakiramay din mula sa showbiz sina Dianne Medina, Kris Bernal, Thea Tolentino, Janine Gutierrez at ina nitong si Lotlot de Leon.
"'Di namin masabi na okay lang kami. Happy kami kay mama dahil alam namin na masaya na siya sa heaven at wala nang pain, pero at the same time, nami-miss namin siya sa bawat araw na dumadaan talaga," pag-amin ni Rodjun.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
