Aminado si Jak Roberto na hindi pabor noon ang nobyang si Barbie Forteza sa kaniyang pagmomotorsiklo dahil sa paniwalang peligroso ito. Pero napapayag din daw niya ang kasintahan kinalaunan dahil sa isang kasunduan.
"Noong una hindi. As in never po talaga. Eh may blog siya na kailangan niyang makeup-an ko siya, 'yung 'My boyfriend does my makeup challenge,' sabi ko 'Ayoko! Ayoko talagang gawin.'" kuwento ni Jak sa mga showbiz reporters sa press conference ng "Kara Mia" sa Quezon City nitong Martes.
"Kasi wala talaga akong alam sa makeup. Kahit ako hindi ko talaga alam makeup-an sarili ko. Sabi niya, 'yun nga daw 'yung challenge. Ang kapalit daw, kapag minakeup-an ko siya, papayagan niya akong magmotor," patuloy ng aktor.
Presenting the cast of GMA’s newest primetime soap “Kara Mia,” to air February 18: Paul Salas as Chino, Jak Roberto as Boni, who will be Kara and Mia’s love interests. @gmanews pic.twitter.com/tFbLYLGJ4e
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) February 12, 2019
Kaagad daw na pumayag si Jak dahil sa ibinigay na kasunduan ni Barbie.
Nalaman ni Jak na naaksidente na dati ang tatay ni Barbie kaya kahit paano ay may trauma ang aktres sa motor.
"Sabi niya delikado daw eh kasi before daw si tito, nagmomotor, naaksidente. Tsaka taga-Commonwealth kasi sila, so 'yung mga araw-araw na na nakikita niyang mga aksidente doon, madalas motor. So sinasabihan niya ako na huwag na lang daw akong magmotor," paliwanag niya.
Hindi naman aniya araw-araw na nagmomotor si Jak at ginagawa niya lang ito bilang hobby at pantanggal-stress.
"Pinakamalayong napuntahan ko pa lang po, Subic. Kasama ko sina kuya Wally, si Kim Last, Duncan Ramos, si kuya Dong (Dingdong Dantes), nagse-set din siya ng ride namin... Kasi ang hirap din mag-ride mag-isa eh," saad ni Jak.
Dahil sa takot ng dalaga sa motor, kahit kailan ay hindi pa nakiangkas si Barbie sa kaniya.
"Never. Baka daw po magsimula 'yung galit niya tsaka 'yung galit ni tita. Kapag pinilit ko siya. Never po! Never, never talaga," natatawang sabi ni Jak.
"Kaya nu'ng kinuha ko 'yon (motor), sa showroom pa lang pinatanggal ko na 'yung angkasan. Sabi ko, wala naman pong gagamit. Eh ala nga namang magsakay ako ng iba," pagbahagi pa niya.
Kahit ang kapatid daw niyang si Sanya Lopez, ayaw niya ring i-angkas.
"Kasi alam niyo 'yun, mas gusto ko nang i-risk 'yung sarili ko kasi hindi mo masabi eh. Okay ka mag-drive, 'yung iba hindi. Kasi kung sa kotse daw, isang paa mo 'yung nasa hukay, ito, halos kalahati," ani Jak.
"So hindi rin po ako nagra-ride nang hindi safe. I make sure na may kasama pong Highway Patrol Group. Kasi may mga kaibigan si kuya Wally na mga taga-Highway Patrol Group. Marami naman po kami madalas. So safe naman po. Talagang kumbaga sa group, ako 'yung para pinaka-baby nila kasi talagang nasa pinaka-safe na lane ako," sabi pa niya.
Mapapanood si Jak bilang si Boni sa pinakabagong primetime soap na "Kara Mia" na magsisimula ngayong Pebrero.-- FRJ, GMA News
