Aminado sina Gladys Reyes at Katrina Halili na hindi naiiwasan na magkasakitan sila sa mga banggaan ng kanilang mga karakter sa tindi ng kanilang mga eksena sa "TODA One I Love."

Ginagampanan nina Gladys at Katrina ang mga karakter nina Dyna at Georgina, ang matinding magkaaway sa serye, ayon sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA news "24 Oras" nitong Lunes.

"Hindi naman po maiiwasan na talaga magdadampi talaga 'yung mga kamay namin... masasabunutan ganyan. Pero ok lang naman po," sabi ni Katrina.

Saad naman ni Gladys habang katabi si Katrina, "Walang pikunan. Ang sarap saktan nito kasi game na game. Pagkatapos ng cut, wala naman kaming nakikitang bukol sa isa't isa, walang dugo."

Dugtong pa ni Katrina, nagtatanungan sila ni Gladys kung ok lang sila matapos ang eksena.

Kilala ang dalawa sa mga pinakamahuhusay at matitinding kontrabida kaya marami ang nag-aabang kung papaano magsasagupa ang dalawang kontrabida.

Natutuwa rin ang dalawa sa suportang nakukuha nila sa mga kasamang artista at sa mga positibong komento mula sa mga nanonood.

"Nakakatuwa po na ano... na natutuwa sila sa mga eksena namin," ani Katrina.

"Masasabi ko lang sa suporta nila, fabulous, 'no? Kumpirmado!," sabi ni Gladys.

Bilib din sina Gladys at Katrina sa mga bida ng soap na sina Kylie Padilla at Ruru Madrid dahil sa maganda at natural na chemistry ng dalawa.-- FRJ, GMA News