Mapapanood sa Kapuso hit series na "Kara Mia" si AiAi delas Alas. Alamin ang kaniyang magiging papel sa serye.

Sa Starbites report ng GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing gagampanan ni AiAi sa kaniyang special appearance sa serye ang karakter na si "Reynara."

Pero palaisipan pa kung anong tulong na ibibigay ni Reynara sa engkantong si Iswal, na ginagampanan ni Mike Tan.

Sa trailer ng "Kara Mia," makikitang pinapangarap ni Iswal na maging tao at tatawagin niya si Reynara.

Samantala, ipinaalam na sa pamamagitan ng teaser kung ano ang magiging karakter ni Miguel Tanfelix sa upcoming epic-dramaserye na "Sahaya."

Gagampanan ni Miguel ang karakter ni Ahmad na kababata ni Sahaya, na ginagampanan naman ng bidang si Bianca Umali.

May lihim na pagtingin si Ahmad kay Sahaya pero guguho ang kaniyang mga pangarap dahil mawawala si Sahaya sa kanilang kampo o komunidad.

Kaya naman gagawin niya ang lahat para muling makita si Sahaya.

Hudyat din ito ng pagbabalik-tambalan nina Miguel at Bianca.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News