Nagsalita na rin si Mark Herras, 32, tungkol sa breakup nila ni Winwyn Marquez, 26.
Sa ulat ni Bernie Franco sa PEP.ph, sinabi ng aktor na, “Hindi na healthy. Sobrang stressful na ang nangyayari sa aming dalawa…
"Minsan, parang maliit na dahilan na lang, nagtatalo na kami,” sabi ni Mark nang makausap ng mga mamamahayag sa press conference ng upcoming Kapuso afternoon teleserye na "Bihag" nitong Lunes , March 25.
Ang naturang sitwasyon ang naging dahilan para magkasundo na silang maghiwalay nang maayos.
"Teka, hindi na healthy itong nangyayari. Hindi na nakakatulong," sabi ni Mark. "Nai-stress siya, nai-stress ako. So, ang nangyayari, sa amin nagre-reflect.”
Nitong nakaraang Pebrero kinumpirma ni Winwyn ang breakup nila ni Mark.
Tumagal din ng tatlong taon ang kanilang relasyon.
Nang tanungin umano si Mark sa petsa ng kanilang paghihiwalay, sabi ng aktor, “Siguro 'di ko na lang sasabihin yung exact date, mga January. So, mag-i-April na, so medyo papunta na sa fourth month.”
Gaya ng sinabi ni Winwyn, mutual ang desisyon nilang maghiwalay at walang third party.
Samantala sa hiwalay na ulat ni Jannielyn Ann Bigtas ng GMA News, sinabi ni Mark na wala pa isip niya sa ngayon ang pumasok sa panibagong relasyon.
"Being single ngayon, hindi ko muna talaga target na magkaroon ng relationship...'yun kasi 'yun na lang lagi ine-expect ng tao sa akin: after one relationship, may bago na naman ako," sabi ni Mark.
Mas nais daw niyang tutukan muna ang trabaho.
"Siguro unti-unti kong ginagawa 'yung gusto ko na 'wag ako dumepende sa mga tao na maasahan ko. Dumepende ako sa sarili ko para maayos ko 'yung sarili," dagdag niya.
Pero hindi naman niya tuluyang isinasara ang posibilidad na magkabalikan sila ni Wyn.
"If ever bigyan kami ng chance, siguro someday, not soon, why not," saad ni Mark.
"Si Wyn talaga yung isa sa mga naging ka-relationship ko na alam kong tumulong sa akin, na alam kong 'di ko makakalimutan." -- FRJ, GMA News
