Walang kinalaman si Bise Presidente Sara Duterte sa banta umano sa buhay ni Ramil Madriaga, ayon sa kaniyang legal counsel na si Paolo Panelo Jr. ngayong Biyernes.
Sa isang pahayag, sinabi ni Panelo na katunayan, nakikiisa ang kampo ni Duterte sa mga panawagan na bigyan si Madriaga ng karagdagang proteksyon.
"We want him alive and in the pink of health because he’s the only one who can admit that he made up his testimony against the Vice President, and identify his handlers," sabi ni Panelo.
"If he stands firm on his testimony, we want him to come forward and add details to his overly general and obviously fabricated accusations, so we can shatter his testimony even more," dagdag niya.
Nilinaw ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) noong Huwebes na ang banta umano sa buhay ni Madriaga ay nagsimula dahil sa pakikipagtalo nito sa isa pang person deprived of liberty (PDL) sa Taguig City Jail.
Ito ay matapos humingi ng tulong ang kampo ni Madriaga sa National Bureau of Investigation (NBI) upang kumpirmahin ang uri ng banta umano sa buhay nito na galing sa isang inmate, alamin ang pagkakakilanlan ng inmate, at kung may mga hakbang na isinagawa para proteksyunan si Madriaga.
Sa parte naman ng NBI, sinabi ni Director Melvin Matibag nitong Biyernes na nagpadala na sila ng mga tauhan para tiyakin ang kaligtasan ni Madriaga.
"Humingi ng tulong and base sa mandato namin we have to respond to that, that was Wednesday. Nagpadala na ako ng tao ng afternoon. Binantayan na sila roon at hanggang ngayon may ahente tayong nagbabantay, in coordination with the BJMP. Hiniwalay na namin si Madriaga at tinanong namin kung sino ang comfortable siya nakasama, 'yun lang ang isasama roon," sabi ni Matibag.
Dagdag ni Matibag, patuloy ang kanilang balidasyon sa pagkakakilanlan ng taong pisikal na nanakit umano kay Madriaga.
"Detention prisoner siya ng Pasay, we're trying to look into it bakit bigla siyang nalipat sa kampo ng Bagong Diwa kung saan naka-detain si Madriaga," sabi pa ng opisyal.
"[R.A.] 7610 'yung kaso ng tao na nag-ano sa kaniya, pero malaking tao siya. Then when we checked on the backgrounds, family of ex-military. 'Pag iniisip-isip ko, kailangan talagang tahiin nang maayos ang imbestigasyon na ito," ayon pa kay Matibag.
Kinumpirma ni Matibag na may hiling na ilipat si Madriaga mula Taguig City Jail sa NBI detention facility. Gayunman, kailangan pang matugunan ang ilang jurisdictional requirement mula sa korte.
Nagsampa si Duterte noong Miyerkoles ng reklamong perjury laban kay Madriaga, ang umano'y dating niyang aide na nagsabing pinondohan ng mga drug dealer at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang kampanya ng bise presidente.
Sinabi ni Madriaga noong Disyembre 2025 na ang mga drug dealer at operator ng POGO ang nagpondo sa Inday Sara Duterte is My President (ISIP) Pilipinas at iba pang mga kagayang grupo.
Ang mga paratang ni Mariaga ay isinama sa isang impeachment complaint laban kay Duterte.
Gayunpaman, pinabulaanan ni Duterte ang pagkakaroon ng personal na relasyon kay Madriaga, at binibigyang-diin na wala siyang inialok na patunay o dokumento para suportahan ang “bare allegations” nito. -- Giselle Ombay/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
