Inihayag ng pinuno ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mayroong love team sa kanilang listahan ng mga artista na sangkot umano sa ilegal na droga.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita kay PDEA Chief Aaron Aquino ang 15 pangalan ng nasa entertainment industry na sangkot umano sa droga batay sa ibinigay ng isang impormante.

Ayon kay Aquino luma na ang listahan pero karamihan umano sa mga pangalan na nasa listahan ngayon 31 celebrity na nasa drug watchlist ng PDEA.

"Siguro sa mga 3/4 ng nasa listahan na 'yan, nandoon sa akin," sabi ng opisyal.

"May nakita ako doon na mga love team sa mga artista," dagdag niya.

Sabi pa ni Aquino, nais niyang iparating sa mga artistang sangkot sa droga ang mensahe tumigil na sa paggamit o pagtutulak ng droga.

"Marami na rin kaming nahuling mga artista. And 'wag n'yo nang hintayin mahuli namin kayo. 'Wag n'yong sabihin nasa hotel kayo, nasa condominium, nasa exclusive subdivision, bibirahin at bibirahin namin kayo," babala niya.

Para makatulong umano sa kampanya kontra-droga, hinimok ng PDEA ang mga tv network na isailalim sa surprise at mandatory drug test ang mga artista.

Kung gagawin ito, dapat umanong mayroong mga tauhan ng PDEA na susubaybay sa gagawing pag-inspeksyon.

"I just hope that na kung mangyari man, lahat sana ng celebrity present just to be, just to show to the public that they are clean," ani Aquino.

Aminado naman ang pulisya na hindi madali ang pagkalap ng ebidensiya laban sa mga celebrity na nasa watchlist.

"It remains a challenge for PNP and PDEA on how to build a strong case against the persons in the watchlist," sabi ni Police Colonel Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP.

Para naman kay Senador Ping Lacson, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, mas makabubuting kasuhan ang mga artistang sangkot sa droga kung talagang may ebidensiya.

"Kapag nag-file ka na ng case, matter of public record so necessarily lalabas 'yung mga pangalan," paliwanag niya.-- FRJ, GMA News