Naging palaisipan kina Tom Rodriguez at staff ng pelikulang "Maledicto" ang isang batang lalaki na nagpakilala sa kanila na sakristan at nagmistulang "technical consultant" sa shooting ng naturang horror movie sa simbahan.
Sa press conference ng "Maledicto" nitong Martes sa Paranaque City, ikinuwento ni direk Mark Meily, kung papaano nila nakilala ang batang anim na taong gulang at nagpakilala sa pangalang Luiz.
Tom Rodriguez at Jasmine Curtis-Smith, bibida sa “Maledicto,” ang kauna-unahang locally-produced horror film ng Fox Networks Groups Philippines. To be shown in cinemas May 1. @gmanews pic.twitter.com/GdNNbOY44e
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) April 16, 2019
"There was this kid, there was this little boy, five or six years old, na nu'ng magsu-shooting siya ng role ng priest (si Tom), sumisigaw 'yung bata. Sabi niya, 'Mali 'yan, dapat mauna 'yung bible bago 'yung cross.' Tapos sasabihin niya, 'Yung kandila mali, dapat sindihan niyo 'yung kaliwa tsaka 'yung kanan. Tsaka 'yung malaking kandila sisindihan niyo rin 'yon," sabi ng direktor.
"So siya 'yung nag-a-act na technical consultant. So he was just there, siya 'yung nagsasabi kung ano 'yung dapat gawin. Tapos sabi namin, 'Bakit alam mo 'yan? 'Kasi sakristan ako dito.' 'Paano ka naman naging sakristan dito?' 'Kasi 'yung lola ko nagtatrabaho dito sa parish,'" patuloy ni direk Mark.
Ngunit pagkaraan ng isang linggo, hindi na nagpakita pa sa kanila si Luiz.
"A week later, bumalik kami sa same location, we were shooting there, we were looking for the little boy. Sabi nila (parish workers) 'Sinong little boy?' 'Yung maliit! Si Luiz.' 'Wala pong boy dito na Luiz,'" kuwento pa ni direk Mark.
Ipinaliwanag naman ng crew ng "Maledicto" sa staff ng simbahan ang mga ikinuwento sa kanila ng bata tulad ng lola nito na nagtatrabaho raw sa parokya.
Pero sabi ng staff ng parokya, walang matandang lola na nagtarabaho sa kanila. Nakadagdag pa sa palaisipan ng grupo ang sinabi ng staff na bukod sa wala silang kasamang sakristan na Luiz, wala rin umanong batang sakristan sa kanila na edad lima o anim.
Ngunit nanindigan si direk Mark na totoo si Luiz dahil nakasama pa ni Tom ang bata sa isang Instagram video noong nakaraang taon habang ginagawa ni Tom ang shoot ng pelikula, at ipinapalabas naman ang kaniyang Kapuso series na "The Cure."
Sa caption ng video, sinabi ni Tom na updated si Luiz sa mga nangyayari sa "The Cure" kaya ikinuwento ng bata ang mga nangyayari sa serye.
"Buti na lang andito si Luiz (ward ng isang madre dito sa church) sa shoot ng Maledicto at inaupdate nya ako sa mga nangyayari sa serye. Mga Kapuso! Wag palampasin ang The Cure mamayang gabi pagkatapos ng 24 oras," saad ni Tom sa caption ng naturang video.
Hindi maiwasan ni direk Mark na mapaisip kung nasaan na si Luiz dahil hindi na nila ito nakita at tila walang nakakakilala sa kaniya sa lugar.
Kahit si Tom, pareho rin ang nasa isip tungkol kay Luiz.
"Hindi ko alam kung paano ko iisipin, ang bibo na bata, he is very detailed about what we talked about," anang aktor.
"Hindi ko alam eh kasi ang sabi niya sa akin, 'yung lola niya doon nagtatrabaho sa parang kumbento doon, parang madre. So every time magsu-shooting kami doon, galing ako ng 'The Cure,' nakikita ko siya doon. Pero he knew the whole place, alam niya 'yung lugar, tapos papakialaman niya, 'Kuya Tom hindi ganiyan...' 'Bakit alam mo?' 'Sakristan ako eh gusto ko magpari tsaka artista paglaki ko," natatawa na lang na ikinuwento ni Tom.
"Tapos 'yun pala noong bumalik sila doon, hindi nila mahanap," ayon pa kay Tom.
Makakasama ni Tom sina Jasmine Curtis-Smith at Inah de Belen sa "Maledicto" na kauna-unahang local movie na ginawa ng Fox Networks Group Philippines (FNG).
Si Father Xavi, isang dating psychologist na magiging exorcist na may mga pagdududa dahil sa nangyaring pagkamatay ng kaniyang kapatid na si Mara (Inah).
Makikilala ni Father Xavi si Sister Barbie (Jasmine), isang madre na may biyaya ng karisma.
Kasama rin sina Miles Ocampo, Inah de Belen at Menggie Cobarrubias. @gmanews pic.twitter.com/G6PgR9tsg7
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) April 16, 2019
Haharapin nila ang kaso ni Agnes, gagampanan ni Miles Ocampo, na normal na teenager sa una ngunit magpapakita ng mga mala-demonyong pagkikilos na yayanig sa kanilang pananampalataya.
Ipalalabas ang "Maledicto" sa Mayo 1.-- FRJ, GMA News
